Sa gitna ng maingay na kampanya ng papasok na Duterte government laban sa ipinagbabawal na gamot, umusbong ang posibleng pagsasalang ng mga kongresista sa drug testing.
Sa Meet the Inquirer MultiMedia, natanong si incoming speaker Pantaleon Alvarez ng Davao del Norte kung pabor ito na isailalim sa mandatory drug testing ang mga kongresista.
“Why not,” sagot ni Alvarez sa tanong ni InquirerBandera editor in chief Dona Policar. “I will take that suggestion seriously.”
Nang tanungin naman kung ano ang gagawin nito sa mga kongresista na magpopositibo sagot ni Alvarez: “May rehab naman eh” na sinundan ng tawanan mula sa audience.
Sinabi ni Alvarez na titignan niya ang Rules ng Kamara de Representantes kung ano ang maaaring gawin sa mga ito.
Agad namang sinuportahan ng ilang mambabatas ang panukalang drug testing.
“Maganda yun,” ani Isabela Rep. Rodito Albano na siyang pangunahing may-akda ng panukala na gawing legal ang medicinal marijuana.
Ayon naman kay CIBAC Rep. Sherwin Tugna “dapat na mag-lead by example” ang mga kongresista na gumagawa ng batas laban sa ipinagbabawal na gamot.
Sabi naman ni Marikina Rep. Miro Quimbo na iminungkahi na niya ito noong nakaraang Kongreso at kasama siya sa ilang mambabatas na nagpa-drug test.
“The peoples deserve nothing but the most honest and transparent public servants. We should make the drug test mandatory,” ani Quimbo. “Dapat hindi rin ito i-limit sa Congress lamang kundi sa buong gobyerno.”
May pag-aalinlangan naman si Ilocos Norte Rep. Rudy Farinas, ang napipisil na House majority leader ni Alvarez, na pilitin ang mga mambabatas na magpa-drug test.
“It could not be compulsory as it would violate the rights of the individual members. But I’d be willing to do it myself voluntarily, although it may be misinterpreted as grandstanding on my part,” ani Farinas sa text message.
MOST READ
LATEST STORIES