HINDI talaga hanapbuhay ang hanap ni Baron Geisler, away ang palagi niyang hinahanap, puwede niya namang iwasan ‘yun kung magpapairal lang siya ng disiplina sa iisa niyang buhay.
Pero hindi ganu’n ang ginagawa ng magaling pa namang aktor, pagitan lang nang ilang araw ay sangkot na naman siya sa gulo, siya na naman ang pinagpipistahan ng ating mga kababayan habang tungayaw nang tungayaw sa kalye.
Naiimadyin namin ngayon ang kanyang pamilya. Gaano kaya kakabado ang mga ito kapag umalis na ng kanilang bahay si Baron? Ihinahanda na kaya nila ang kanilang loob na madadamay na naman sa gulo si Baron o sanay na sanay na sila?
Minsan na kaming pinuntahan ng nakatatanda niyang kapatid, humihingi ito ng tulong, paano raw kaya ang kanilang gagawin dahil palagi na lang problema ang iniuuwi ni Baron sa kanilang pamilya? Nagpa-rehab na nga si Baron, pero wala rin namang nangyari, para siyang mamamatay kapag hindi nasasayaran ng alak ang kanyang lalamunan.
Kung ang ibang tao ay adik sa ipinagbabawal na gamot, ang adiksiyon naman ni Baron ay alak, parang nanghihina siya kapag hindi nakalalaklak. Walang ibang makatutulong kay Baron kundi ang sarili lang niya. Kahit ano ang gawin ng ibang tao, kung siya mismo ang hindi magbabago, ang lahat ng payo ay mauuwi lang sa wala.