SINABI ni outgoing Sen. Jose “Jinggoy” Estrada na taas-noo pa rin siya sa kabila ng pagtatapos ng kanyang termino bilang senador na nasa kulungan.
Sa isang post sa kanyang Facebook hindi siya nakapagbigay ng farewell message dahil sa pagkakakulong kaugnay ng kasong plunder.
Ipinagmalaki ni Estrada ang mga panukalang batas at imbestigasyon na kanyang sinimulan sa kanyang 12 taon sa Senado.
Idinagdag ni Estrada na hindi siya lumiban sa Senado hanggang siya ay makulong noong 2014.
“Sa loob ng labingdalawang taon bilang inyong senador, kahit kailan ay hindi po tayo nag-absent sa Senado pwera na lang nung ako po ay kanilang ipinakulong,” dagdag ni Estrada.
Nauna nang hindi pinayagan ng korte ang mosyon ni Estrada na makadalo sa mga huling sesyon ng Senado.
Magtatapos ang termino ni Estrada sa Hunyo 30.