MASISILAYAN muli sa bansa subalit hindi sigurado kung maglalaro ang popular na Brazilian indoor at beach volleyball player na si Leila Barros sa 2016 FIVB World Club Championship sa Oktubre.
Ito ang sinabi ni Larong Volleyball ng Pilipinas Incorporated (LVPI) acting president Peter Cayco matapos ikumpirma ang pagnanais ni Barros na makabalik sa Pilipinas makalipas ang 16 taon kung saan huli itong naglaro sa bansa noong 2004 sa Manila Leg ng FIVB World Grand Prix kasama sina Erika Coimbra at Virna Diaz.
“She (Barros) really wanted to come and has expressed interest to see the Philippines again, but the thing is hindi pa niya nasisiguro kung makakalaro siya para sa team o magsilbi bilang opisyales na irerepresenta ang kanyang team na bansang Brazil,” sabi ni Cayco.
Ang 44-anyos na si Barros, na nahuli ang interes ng marami sa kanyang unang pagdating sa Pilipinas, ang siya ngayong Secretary of State for Sports, Tourism and Leisure ng Brazil.
“We don’t know yet if the team representing Brazil, the Rexona Ades, will have her in the lineup or she will just be accompanying the team as an official,” sabi pa ni Cayco.
Matapos mahuli ang interes ng karamihan dahil sa kanyang ganda habang naglalaro sa Brazil national indoor volley team ay lumipat sa paglalaro ng beach volley si Barros kung saan nakilala at nagpakasal ito kay Emanuel Rego, na naging gold medalist sa beach volleyball competition noong 2004 Athens Olympics.
Una nang kinumpirma ni Petron Tri-Activ import Erica Adachi sa kanyang Twitter account (@ericaadachi) na halos plantsado na ang mga kailangan upang muling makapunta sa bansa ang maganda at kaakit-akit na si Barros.
“Leila Barros and I are planning something in the Philippines after the Olympic Games,” sabi ni Adachi.