PNoy may huling banat sa mga Marcos sa paggunita ng Araw ng Kalayaan

PNoy12

PINANGUNAHAN ni Pangulong Aquino sa huling pagkakataon ang pagdiriwang ng ika-118 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan kung saan muli niyang binanatan ang mga Marcoses.

Sa kanyang talumpati sa Vin D’ Honneur sa Palasyo na dinaluhan ng mga opisyal ng gobyerno at mga miyembro ng diplomatic corps, nagpakita pa si Aquino ng video kung saan ipinakita niya ang kanyang naranasan at ng kanyang pamilya noong panahon ng Martial Law.

“Sa ating pong pagbabalik-tanaw: Inaanyayahan ko ang lahat na ilagay ang inyong sarili sa mga mata at kaisipan ng isang 13 taong gulang-ang edad ko ng mga panahong iyon,” sabi ni Aquino.

Sa video, makikita na isinasalaysay pa ni Aquino ang karanasan ng kanyang pamilya noong panahon ni Marcos.

“Tunay po: Ang People Power ang bumawi sa demokrasya. Ang People Power ang naging tulay ng people empowerment. Ang People Power ang nagbalik sa gobyerno sa tunay nitong mandato: Ang arugain at bigyang lakas ang taumbayan,” dagdag ni Aquino.

Kasabay nito may babala rin si Aquino sa mga Pinoy.

“Ididiin ko po: Nangyari na ito. Minsan nang inagaw ng kapwa natin Pilipino ang ating kalayaan. Ibig sabihin, kung hindi tayo magiging mapagmatyag, maaari uli itong mangyari,” ayon kay Aquino.

Idinagdag ni Aquino na nagawa niya ang kanyang pangako na iiwan ang Pilipinas na mas maayos kaysa sa kanyang dinatnan.

“Sa huli kong pagharap sa inyo, aking mga Boss, at sa koro diplolmatiko bilang Pangulo, taas-noo kong masasabi: Tinupad ko ang lahat ng panata ko,” sabi pa ni Aquino.

Dumalo naman si Vice President-elect Leni Robredo sa Vin D’ Honneur sa Palasyo, samantalang hindi naman sumipot si outgoing Vice President Jejomar Binay.

Read more...