Si Digong at ang Marcos burial

MAITUTURING si President-elect Rodrigo Duterte sa pinakasikat na magiging pangulo sa kasaysayan ng Pilipinas.

Dahil umabot ng mahigit 16 milyon ang mga Pinoy na bumoto para kay Duterte sa nakaraang eleksiyon noong Mayo 9, maituturing na landslide ang kanyang panalo sa kanyang mga kalaban.

Para sa mga Pinoy na dismayado sa pamamahala ni Pangulong Aquino at sawa na sa araw-araw na nararanasang problema sa bansa, protest vote na maituturing ang ginawang pagsuporta ng masang Pilipino kay Digong.

Hindi maikakaila ng papatapos na administrasyon ni Pangulong Aquino, na siya at kanyang mga opisyal din ang nagpanalo kay Duterte.

Nakita ng publiko na sa katauhan ni Digong matutugunan ang kanilang mga hinaing at mithiin na matagal na nilang kinikimkim sa kanilang kalooban.

Ang malaganap na droga ang pangunahing problemang kinakaharap ng publiko. Maraming pamilya na ang sinira nito at walang isa mang lider na nakatugon sa tinatawag na pinakamalaking salot sa lipunang Pilipino.

Ito ang naging daan para manalo si Digong sa nakaraang eleksiyon.

Dinala ni Duterte sa kanyang kampanya ang isyu ng illegal drugs at nangakong tatapusin niya ito sakaling mahalal bilang pangulo ng bansa.

Ngayon sa pormal na pag-upo ni Digong bilang ika-16 na presidente ng Pilipinas, inaasahang tutuparin niya ang kanyang mga pangako lalo na ang pagsugpo ng droga sa bansa.

Magagawa niya ito kung nasa kanya ang suporta ng mga mamamayan kaugnay ng kampanya kontra droga at kriminalidad.

Bukod sa mga isyu droga at kriminalidad, isa pang usapin ay ang paglilibing kay yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Sinabi ni Duterte na hindi nagbabago ang kanyang desisyon na ilibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani bilang dating sundalo ng bansa.

Batid ni Duterte na patuloy na nagkakahati-hati ang bayan dahil sa usapin ng paglilibing ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Batay sa pahayag ni Duterte, nakatakdang ilibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani sa Setyembre.

Ayon kay Duterte, gusto na niyang tapusin ang kontrobersiya sa usaping ito at ang pagpapalibing sa kanya ang tuluyang magbibigay ng tuldok sa matagal nang isyu.

Mismong si Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison ay nagsabi na hindi siya tutol sa pagpapalibing kay Marcos sa Libingan kayat wala na dapat na isyu hinggil dito.

Ngunit alam natin na sa kabila nito, tiyak na patuloy na tututulan ng mga makakaliwang grupo at maging ng mga Aquino na mailibing na si Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Pero dahil kilala si Duterte na hindi nagpapatinag, tiyak na matutuloy pa rin ang kanyang pangako.

Magiging maingay ang mga grupong ito pero sa kalaunan ay mabibigo lamang sila.

Dapat suportahan na ng lahat ang posisyon ni Digong kaugnay ng pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Read more...