HANGGANG ngayon, sa mga umpukang showbiz, ay hindi pa rin nawawala sa mga kuwentuhan ang nakakalokang karanasan ng isang singer sa isang singer-actress na dekada na niyang iniidolo.
Nagkita lang sila sa isang event, ipinakilala sila sa isa’t isa, buong-ningning na kinuha ni Singer A ang cellphone number ng hinahangaan niyang female personality.
Tinext niya ang singer-actress, maligayang-maligaya siya dahil nagkakilala sila, isang napakalaking karangalan daw para sa kanya ang makita ang taong matagal na niyang hinahangaan.Heto na. Isang gabi ay nag-text sa kanya ang singer-actress, kailangang-kailangan daw nito ang kanyang tulong, tumawag agad ito sa kanya.
Natural, masayang-masaya ang singer, imadyin nga naman, ang iniidolo niyang singer-actress ang nasa kabilang linya, sa kanya pa nito napiling humingi ng tulong. Mabilis pa sa alas kuwatrong sinagot ni Singer A ang phone niya, “Ate, kumusta na po kayo? Nakakatuwa naman, ikaw pa ang tumawag sa akin. Kumusta na po?”
Sabi ng nasa kabilang linya, “Okey lang naman ako, pero kailangan ko ang tulong mo. Kinapos kasi ako, nandito ako ngayon sa (pangalan ng isang lugar na mausok, maraming tao at maingay), baka naman puwede mo akong pahiramin ng pera?” Sagot naman ni Singer A, “Ay, oo naman! How much ba ang kailangan mo, ipadadala ko agad diyan sa iyo sa driver ko!”
Kaso, ang unang tawag ay nasundan pa, maraming beses na naulit ang ganu’ng drama ng singer-actress. Nakahalata na si Singer A, mukhang pinaiikutan na lang siya ng kanyang idolo, kaya nang mga sumunod na gabi ay hindi na niya ito sinagot.
Bradly Guevarra, kilalang-kilala mo kung sino ang bumibidang singer-actress sa kuwentong ito, kailangan pa bang magkaroon ng milagro para lang matumbok mo kung sino siya? Ikaw pa?