Naninimbang si Uichico

NAIWAN si Joseph Uichico samantalang sumama si Alex Compton sa Philippine Team na lumipad patungong Europe kahapon.

So, nagkulang ng isang assistant coach si Tab Baldwin. Pero hindi naman siguro mabigat para sa ating national coach ang pangyayaring iyon Kasi training lang naman ang pupuntahan ng Gilas Pilipinas, e.

Una ay magkakaroon ng high altitude training ang koponan sa Greece. Pagkatapos nito ay tutulak sila patungo sa Turkey kung saan lalahok sila sa isang pocket tournament.

Pupunan na lang ng ibang mga assistants ni Baldwin ang pagkawala ni Uichico.

Hindi kasi puwedeng iwanan ni Uichico ang Tropang TNT matapos na mawala sa kanilang kamay ang korona ng nakaraang Commissioner’s Cup. Hindi nga sila nakaabot sa semifinal round, e.

Mangyari ay sa quarterfinals pa lang ay sinilat na sila ng Alaska Milk.

At sa yugtong iyon ay nagkita na ang dalawang assistant coaches ng PH Team. Si Compton ang head coach ng Alaska Milk.

Kumbaga, doon ay naselyuhan na ang kapalaran ni Uichico na hindi sasama sa European trip.

Kung Alaska Milk kaya ang natalo ay magpapaiwan si Compton? Hindi natin masasagot ang katanungang iyan.

Pero dahil sa nakarating sa semis ang Aces at umabot pa nga ng best-of-seven championship round kontra sa Rain or Shine, okay naman sa pamunuan ng Alaska Milk na pasamahin si Compton.
Kahit nga sumegunda lang ang Aces sa Elasto Painters ay nasiyahan pa rin si team owner Wilfred Steven Uytengsu at pinapirma ng three-year contract extension si Compton.

Sa totoo lang, wala namang problema ‘yung sumesegunda sa isang torneo. Kasi parehas lang ang exposure na nakukuha ng koponang nag-champion at sumegunda. Hindi pa malaki ang gastos ng sumegunda dahil hindi kailangang magbigay ng bonus.

Pero siyempre, iba rin ‘yung mag-champion. Karangalan iyon ng kumpanya. Pampataas din kahit paano ng benta kung may kalabang matindi sa market.

Sa totoo lang, ay ïn good hands naman ang Aces dahil sa maiiwan sila sa pangangalaga ni coach Louie Alas. Kahit pa assistant na maituturing si Alas, aba’t matindi rin naman ito. At iba ang respeto ni Compton sa kanya. Hindi ba’t si Alas ang head coach ni Compton noong naglalaro pa siya sa Manila Metrostars sa Metropolitan Basketball Association?

Well, pupuwede rin namang iwan ni Uichico sa kanyang assistants ang Tropang TNT. Pero ayaw niyang may masabi ang pamunuan ng Tropang TNT kung saka-sakali.

Kasi nga, matapos na mawala sa kanilang kamay ang kampeonato ng Commissioner’s Cup tila naninimbang na si Uichico. Kailangan niya ng magandang showing sa season-ending tournament. Hindi uubrang muli silang masilat.

Hindi naman natin sinasabing kailangang magkampeon ang Tropang TNT. Kahit siguro makarating man lang sa semifinals ay puwede na. Pero kung aabot sa Finals, bakit hindi?
Kapag nagkaganoon, baka sumaya ang pamunuan ng team.

Read more...