Adik na congressman

ISA sa mga pinakamayaman na miyembro ng Kamara de Representantes ay adik sa pinagbabawal na gamot.

Madalas ang congressman na ito ay absent sa mga sessions dahil siya’y bangag sa droga.

Sinabi sa akin ng dati niyang empleyado sa Kongreso na isang araw, dahil sa kabangagan nitong si congressman, pinahanap niya ng shabu ang isa mga empleyado sa lugar na malapit sa Batasang Pambansa.

Napaliligiran kasi ng squatter area ang Batasan at marami raw nagtutulak ng shabu sa paligid nito.

Hindi kaya alam ng kanyang mga constituents ang kalagayan ng kanilang congressman?

Alam ng karamihan ng kanyang mga kasamahan na si Mr. Congressman ay adik at kung pumasok man ito, siya’y bangag na bangag at hindi matinong kausap.

Bakit hindi nila payuhan si Cong, na magtatapos na ang termino sa June 30, na magpa-rehab?

Bakit hindi siya napagsabihan ni Speaker Sonny Belmonte na magpa-rehab?

Isa sa mga plano ni incoming President Digong ay magpatayo ng rehabilitation centers para sa mga drug dependents sa iba’t ibang lugar ng bansa, lalong-lalo na sa mga lungsod o bayan na maraming adik.

Save the user, kill the pusher, ang battlecry ni Mano Digong dahil sa kanyang dakilang plano.

Sinabi ni Mano Digong minsan sa akin na kapag palarin siyang maging pangulo ng bansa, hindi lang pagsalvage ng mga drug lord, dealer at pusher ang gagawin niya kundi magpapatayo rin siya ng mga rehab centers.

Maraming-marami na ang mga adik sa buong bansa nguni’t walang record kung ilan sila.

Sa Metro Manila, 92 percent ng mga barangay ay apektado ng droga, ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Malaking problema sa pagsugpo sa pagkalat ng droga ang haharapin ni Mano Digong kapag siya’y naupo na sa Malakanyang.

Pero alam natin na kaya niya ito.

Good luck, Mr. President!

Gagamitin ni Mano Digong ang lakas ng mga pulis at militar sa pagsugpo ng droga at krimen.

Pero paano kung ang mga pulis naman ang mga kriminal?

Maraming pulis na involved sa droga, kidnapping, carnapping, robbery, gun-for-hire.

Kung isasalvage ang mga nabanggit na mga kriminal, dapat ay lipulin din ang mga taong ginagamit ang kanilang tsapa sa paggawa ng krimen.

Nabaril at napatay ni PO1 Arnel Morales ng Quezon City Police District ang chicken vendor na si Joey Reyes noong isang buwan dahil napagkamalan niyang isang snatcher.

Naganap ang insidente noong May 18 pa, pero noong June 7 lang nasampahan ng criminal at administrative cases si Morales kung hindi pa nakialam ang “Isumbong mo kay Tulfo.”

Dumulog kasi ang pamilya ni Reyes sa aking tanggapan nang naramdaman nila na pinagtatakpan ng QCPD si Morales.

Si Morales at mga kasamahan nitong pulis ay tumugon sa isang reklamo ng babae na siya’y inagawan ng cellphone.

Nang pumunta sina Morales sa pinangyarihan ng snatching, nakita nila na nagsasampay ng mga damit si Reyes sa bubungan ng kanyang bahay.

Sa akalang si Reyes ang snatcher, binaril ng pulis ang kawawang chicken vendor.

Nang mahulog si Reyes sa kalsada galing sa bubong, napasigaw si PO1 Maralyn Avila.

“Putang ina, bulilyaso tayo, hindi yan ang snatcher!” sigaw ni Avila.

Pero sa kanilang report sa pangyayari, sinabi ni Morales, Avila at iba nilang kasamahan na nanlaban si Reyes nang siya’y inaaresto na naging dahilan na barilin siya ni Morales.

Nahuli ang tunay na snatching suspect, si Pudini Bulatao, ng mga barangay tanod at ito’y ipinasa nila sa pulisya.

Pero pinakawalan din si Bulatao upang idiin si Reyes bilang suspect sa snatching.

Dapat sana sinampahan ng kasong homicide sina Morales at kanyang mga kasamahan, pero pinagtatakpan sila ng QCPD.

Read more...