BAGO magsara ang 16th Congress, naaprubahan ng mga mambabatas ang panukala upang mabigyan ng CPR training ang mga estudyante sa elementarya.
Noong Disyembre naaprubahan ng Kamara de Representantes ang panukalang House bill 6204 (An Act Requiring Basic Education Students to Undergo Cardiopulmonary Resuscitation Training) at naipasa naman ng Senado ang “Basic Life Support Training in Schools Act” noong Mayo 23.
Tinanggap ng Kamara ang bersyon ng Senado kaya hindi na kinailangan na dumaan pa ito sa bicameral conference committee at ipadadala na ng deretso sa Malacanang para sa lagda ng pangulo.
Sa ilalim ng panukala kailangang turuan ang mga elementary student ng CPR sa pribado man o pampublikong paaralan ito pumapasok.
Ang programa para rito ay bubuuhin ng Philippine Heart Association at Philippine National Red Cross.
Ipapasok naman ito sa comprehensive health and physical education curriculum ng mga paaralan.
Hindi ang mga guro ang magbibigay ng CPR training kundi ang Department of Health at mga accredited nitong non-government organizations.
Exempted naman sa pagsasanay ang mga estudyante na mayroong kapansanang pisikal at mental.
MOST READ
LATEST STORIES