14-man Gilas roster kasado na

BUO na ang 14-man lineup ng Philippine men’s national basketball team para sa 2016 FIBA Olympic qualifying tournament sa Hulyo 5-10.

Inilabas ni Gilas Pilipinas team manager Butch Antonio ang final roster sa kanyang Twitter account kahapon ng umaga matapos makipagpulong sa mga coaches.

Sinabi ni Antonio na ang 14 manlalaro ng koponan na sasabak sa isang three-week training camp sa Europe ay sina Jason Castro, Ranidel de Ocampo, Troy Rosario at Ryan Reyes ng Talk ‘N Text, Gabe Norwood at Jeff Chan ng Rain or Shine, June Mar Fajardo ng San Miguel Beer, Marc Pingris ng Star, Calvin Abueva ng Alaska, Japeth Aguilar at LA Tenorio ng Barangay Ginebra, Terrence Romeo ng Globalport, two-time UAAP MVP Bobby Ray Parks Jr. at naturalized center Andray Blatche.

Ihahayag na sana ito matapos magwagi ang Gilas sa Iran, 81-70, sa kanilang tuneup game noong Miyerkules ng gabi subalit ipinagpaliban muna ito matapos sabihin ni national team head coach Tab Baldwin na kailangang pag-isipang mabuti muna ng coaching staff at team officials kung sinu-sino ang mapapasama sa koponan. Ang estado ni Marcio Lassiter ay isa rin sa dahilan kung bakit naudlot ang pag-anunsyo sa final lineup.

Hindi naman regular na nakakasama sa team practice si Lassiter dahil sa kanyang kalusugan.

Read more...