CLEVELAND — Kumana si LeBron James ng 32 puntos at 11 rebounds habang si Kyrie Irving ay nagdagdag ng 30 puntos para pangunahan ang Cleveland Cavaliers sa tambakang panalo kontra Golden State Warriors, 120-90, sa Game 3 ng 2016 NBA Finals at tapyasin ang kanilang serye sa 2-1 kahapon.
Bumalik sa kanilang home floor kung saan naging dominante sila sa postseason, matinding resbak ang iginanti ng Cavaliers laban sa Warriors na nagpalasap sa kanila ng magkasunod na tambakang pagkatalo sa Bay Area.
At ginawa ito ng Cavs na wala si starting forward Kevin Love, may kaunting tulong buhat sa kanilang bench at nalimita ang opensa ni Stephen Curry.
Ang reigning league MVP na si Curry ay umiskor lang ng 19 puntos — dalawa sa first half — mula sa 6-of-13 shooting. Si Harrison Barnes ay gumawa ng 18 puntos habang si Klay Thompson ay nag-ambag ng 10 puntos para sa Warriors, na nagwagi ng pitong sunod kontra Cleveland — ang naunang dalawang finals games sa pinagsamang 48 puntos.
Ginawa ng Cavs na mas kumpetitibo ang kanilang serye sa pagbabalik nila sa Quicken Loans Arena matapos maipakita ng Warriors na nakahanda itong kumubrang muli ng korona.
Naging malayo naman ang Warriors sa koponang nagtala ng record na 73 panalo sa regular season o sa koponang nakabangon buhat sa 3-1 paghahabol sa Western Conference finals sa pagkatalo nila sa Game 3.
Si J.R. Smith ay kumana ng 20 puntos, kabilang ang limang 3-pointers, habang si Tristan Thompson ay nagtala ng 14 puntos at 13 rebounds para sa Cavs na umangat sa 8-0 sa kanilang homecourt at maitatabla ang serye sa 2-all kung magwawagi sa Game 4 bukas.
Hindi nakapaglaro para sa Cavs si Love na nasa ilalim pa ng NBA concussion protocol at hindi pa pinayagang maglaro ng league at team doctors.