Patay ang isang hinihinalang drug pusher habang anim pa katao ang nadakip at mahigit P3 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa raid sa General Santos City Martes ng gabi, ayon sa pulisya.
Napatay si Conrado Medino, isa sa mga target ng raid, nang makipagbarilan sa mga operatiba, sabi ni Supt. Romeo Galgo, tagapagsalita ng Central Mindanao regional police.
Nadakip naman sina Elizabeth Medino, Mark Medino, Genelyn Balansag, Russel Cerrera, Josephine Balansag, at Rodrigo Balansag.
Isinagawa ng mga elemento ng General Santos City Police, 12th Regional Public Safety Battalion, Highway Patrol Group, Anti-Cybercrime Group, at Regional Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group ang raid sa Brgy. Sinawal dakong alas-10:30.
Nagsilbi sila ng mga search warrant laban kina Conrado, Elizabeth, Mark, Genelyn, at Russel, ani Galgo.
Habang palapit ang mga operatiba ay bigla umanong pinaputukan ni Conrado, kaya gumanti ang mga pulis at siya’y napatay, ayon sa regional police spokesman.
Natagpuan kay Conrado ang isang kalibre-.45 pistola na may anim pang bala, walong sachet na may 260 gramo o P3.068 milyon halaga ng hinihinalang shabu, at sari-saring drug paraphernalia, ani Galgo.
Nakasamsam din ang pulisya ng walong motorsiklo, plastic bag na may P333,750 cash, isang digital weighing scale, laptop, apat na CCTV camera, tatlong cellphone, isang GPS device, largabista, dalawang handheld radio, tatlong USB, isang digital video recorder, at monitor.
Sinusuri na ng mga miyembro ng Regional Anti-Cybercrime Office 12 ang mga gadget, na maaaring naglalaman ng karagdagang ebidensya laban sa mga suspek, ani Galgo.
MOST READ
LATEST STORIES