HINDI maitatanggi na naging isang election issue ang mabagal na serbisyo ng internet ng mga telecommunication companies sa bansa.
At syempre ang lahat ng mga tumakbo sa katatapos na halalan ay nangako na pabibilisin ang serbisyong ito kapag sila ang nanalo.
Kahit na si president-elect Rodrigo Duterte ay nangako at ang sabi niya ay agaran niya itong aaksyunan pag-upo niya sa Malacanang.
Nagbanta pa si Duterte na papapasukin sa bansa ang mga dayuhang kompanya kung hindi titino ang serbisyo ng telcos sa bansa.
Sabi ni Duterte: “For the communications guys, iyung internet connectivity, you improve the service or I will open the Philippines to competition. Pasok lahat. Then it will bringdown [the price] and increase efficiency.”
Pero bago pa man magsimula ang panunungkulan ni Duterte ay mukhang nakadiskarte na ang PLDT ni Manny V. Pangilinan at Globe Telecom na pinamumunuan ni Ernest Cu matapos na mabigo ang plano ng San Miguel Corp., na sumali sa kompetisyon.
Ang PLDT ang may-ari ng Smart Communications at Sun Cellular.
Pangako ng PLDT at Globe pagagandahin nila ang kanilang serbisyo sa loob ng ilang buwan matapos na makuha ang 700 MHz spectrum frequency ng SMC.
Ang Pilipinas na lamang at ang Thailand ang hindi gumagamit ng 700 MHz kaya magastos para sa mga telcos ang pagbibigay ng mabilis na internet. Ito ang ginagamit na frequency kahit ng mga mayayamang bansa dahil ito ay mabilis at mura.
Ang 700 MHz frequency ay ibinenta ng SMC sa PLDT at Globe matapos na hindi matuloy ang pinapasok nitong kasunduan sa Telstra ng Australia.
Hindi lamang ang PLDT at Globe ang natuwa sa pagbenta ng SMC sa 700 MHz, kahit na si incoming Finance Sec. Sonny Dominguez.
Sinasabi na malaking kita, oras at oportunidad ang nawawala sa mga Pilipino dahil sa makupad na internet service.
Sa paggamit ng 700 MHz ay makapagbibigay ang mga telcos ng internet speed na 50-100 Mbps ang bilis, mas mabilis sa 3G na pumapalo lamang sa 21 Mbps.
Mas malayo rin ang bato ng signal ng 700MHz kaya mas marami ang lugar na makikinabang. Mas nakakapasok din ang signal na ito sa loob ng mga gusali kaya hindi na kailangang lumapit pa sa bintana o magbukas ng pintuan para magkaroon ng maayos na signal. Malakas ang indoor signal penetration nito kahit na sa mga urban areas kung saan maraming gusali at iba pang imprastraktura.
May mga duda pa sa ginawa ng PLDT at Globe, pinatay lang daw nila ang kanilang potensyal na kalaban sa negosyo kaya nila binili ang 700 MHz ng SMC.
Palagay ko naman ay hindi patutulugin ng dalawang telcos ang bago nilang frequency na binili nila ng bilyon-bilyon sa SMC.
At kung hindi nga gagamitin, tiyak na yari sila kay Duterte kapag hindi gumanda ang kanilang serbisyo.
Kung hindi rin nila gagamitin ang 700 MHz, kailangan nilang magtayo ng mga bagong cell sites— na magastos— para mapalawak ang naaabot ng kanilang signal.
Samantalang kung gagamitin nila ang 700 MHz ay maaari na itong ilagay sa mga cell site na nakatayo na.
Makatitipid ang telcos kaya inaasahan rin ang pagbaba ng bayad sa kanilang serbisyo o kaya ay mas maraming promo tayong mapagpipilian.
Kamakailan ay naging batas na rin ang pagtatayo na ng Department of Information and Communication Technology. Inihiwalay na ang ‘Communication’ sa Department of Transportation kaya may sariling ahensya na tututok sa komunikasyon.
Ang Transpo department naman ang bahala sa trapik.
Kung nariyan na ang solusyon para mapabilis ang internet connection, sana ay may makita na ring solusyon ang Transportation department para bumilis ang daloy ng trapiko sa EDSA na isa ring election issue.