Sigarilyo: Nakamamatay at nakapagliligtas

SINABI ni President-elect Digong na ilalaan niya sa kalusugan at edukasyon ang lahat ng pondo na kinikita ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor).
Hindi na kailangang magtabi si Mano Digong para sa kalusugan ng ordinaryong mamamayan dahil may batas na ipinasa noong taong 2013 na nagpopondo ng malaking halaga para sa kalusugan ng taumbayan.
(By the way, ang itatawag ko na ngayon kay incoming President Rodrigo “Digong” Duterte ay Mano Digong dahil ang ‘mano’ ay ‘kuya’ sa salitang Bisaya).
Ang pondo ay manggagaling sa isang espesyal na buwis.
Puwedeng ilaan na ni Mano Digong ang lahat ng pondo na galing sa Pagcor sa pagpapatayo ng mga classrooms—gaya ng ginagawa ni Pagcor chairman at CEO Cristino “Bong” Naguiat—at pagtataas ng sahod ng mga public school teachers.
Ang Republic Act 10351, o ang tinatawag na “Sin Tax Law,” ay naglalaan ng pondo para sa Universal Health Care program ng gobyerno sa buwis na nakokolekta sa mga sigarilyo, tabako, alak at beer.
Madadagdagan ang mga public hospitals at clinics sa buong bansa at yung mga naitayo na ay mare-rehabilitate.
Mas maraming medisina at pasilidad ang mabibili para sa mga public hospitals and clinics na kinokolekta sa Sin Tax.
Noong 2014, nang maisakatuparan ang Sin Tax Law, nakakolekta ang gobyerno ng P75.51 billion sa mga sigarilyo at tabako lang.
Wala pa yung buwis na nakolekta sa mga alak at beer.
Noong nakaraang taon, 2015, ang buwis na nakolekta sa mga sigarilyo at tabako ay umabot ng P100.2 billion, na tumaas ng 32.45 percent sa koleksiyon ng 2014.
Inaasahang madadagdagan by leaps and bounds, ‘ika nga, ang buwis sa mga sigarilyo at tabako.
Kahit na pinagbabawal ni Mano Digong ang paninigarilyo sa mga enclosed public places, tataas pa rin ang koleksiyon sa sigarilyo at tabako.
Hindi ba paradox o kabalintunaan ito: Ang sigarilyo at alak, na nakaka-cause ng cancer o sakit sa puso, ay makakapagligtas ng maraming mahihirap na pasyente dahil sa mga buwis na nakokolekta sa mga produktong ito.
Kaya’t dapat lang na pangalagaan ng gobyerno ang mga locally-manufactured cigarettes at ipagtanggol laban sa mga smuggled o fake brands.
Halimbawa, ang Mighty Corp., na tagagawa ng Mighty cigarette, ay nalulugi ng daan-daang milyong piso sa mga imitation brand na galing ng China
Ang Mighty cigarette, na kumakain ng 20 percent share ng merkado ng sigarilyo, ay ang brand na palaging pinepeke dahil ito’y hindi mahal gaya ng multinational brands at “singsarap” daw ng mga karibal nito.
Mas lalong dapat protektahan ng gobyerno ang home-grown brand dahil ang kumpanya na gumagawa nito ay malaking magpasuweldo sa mga empleyado at nagbibigay ng health benefits sa kanila, ang sabi sa akin ng isang opisyal ng Mighty Corp.
Sinabi rin ng nasabing opisyal na ang mga bayad sa ospital at gamot ng mga retiradong empleyado at kanilang dependents ay sinasagot ng kumpanya “on a case-to-case basis.”
***
At bago ko tapusin ang column na ito, saan napunta ang mga pera na inilaan para sa mga public hospitals and clinics at gamot para sa mahihirap?
Parang ginastos ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ni Secretary Butch Abad ang pondo na galing sa Sin Tax Law sa ibang bagay.
Dapat ay imbestigahin si Abad sa susunod na administrasyon at, kung kinakailangan, ay sampahan siya ng kasong plunder.
Ganoon din si Pangulong Noynoy.

Read more...