PATI pala si Sen. Chiz Escudero ay tutok na tutok sa GMA Telebabad series na Juan Happy Love Story na pinagbibidahan ng kanyang asawang si Heart Evangelista kasama ang Kapuso Drama King na si Dennis Trillo.
Kuwento ni Heart, nagkukulitan pa nga raw sila ng kanyang mister tuwing napapanood ng senador ang mga kissing scene nila ni Dennis sa serye.
“Binibilang ko kung ilang eksena yung may mga kissing scene. In fairness hindi naman talaga seloso at all ang asawa ko. Kinukurot lang niya ako pero may lambing,” natatawang kuwento ni Heart nang makausap namin siya at ilan pang miyembro ng entertainment press sa taping ng Juan Happy Love Story somewhere in New Manila, Quezon City.
Inaabangan naman daw ni Sen. Chiz ang pag-ere ng eksena kung saan may “gigil” na love scene sina Heart at Dennis sa isang hallway. “Ayun pa naman yung excited na excited si Chiz manood, yung eere tonight (kagabi). So kapag du’n siya sa kusina nanood du’n naman ako sa sala, magpe-painting na lang ako. Ha-hahaha!”
Ngayon lang daw kasi nahihirapan si Heart na takpan ang mata ni Chiz kasi nga maya’t maya ang halikan nila ni Dennis sa soap. Pero very supportive naman daw ang husband niya dahil talagang sinusubaybayan nito ang kanyang teleserye.