PSC Baseball Cup quarterfinals slot pag-aagawan ng UP, UST

Mga Laro Ngayon
(Rizal Memorial Baseball Field)
7 a.m. BULSU vs ADMU B (Pool D)
9 a.m. UP vs UST (Pool C)

AGAWAN ngayong umaga ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons at University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers sa natitirang silya sa do-or-die quarterfinals ng papainit na 2016 PSC Commissioners Baseball Cup sa Rizal Memorial Baseball Field sa Malate, Maynila.

Magsasagupa muna sa no-bearing match ang Bulacan State University (BULSU) at Ateneo de Manila-B bago sundan ng importanteng sagupaan sa pagitan ng UP at UST sa ganap na alas-9 ng umaga para sa ookupa sa huling silya sa Pool C.

Huling tinalo ng Ateneo de Manila-B ang University of Santo Tomas Golden Sox sa laro noong Linggo, 16-5, para okupahan ang unang puwesto sa quarterfinals sa Pool D sa kabuuang 3-1 panalo-talo karta kahit tabla sa karibal na De La Salle University at 2016 Philippine National Games champion Rizal Technological University.

Nasungkit naman ng UAAP Season 78 champion DLSU ang ikalawang puwesto bunga ng mas mataas na quotient. Tinalo ng DLSU sa kanilang paghaharap ang RTU, 9-6. Dinaig naman ng RTU ang Ateneo B, 8-7.

Kapwa naman may bitbit na 2-1 panalo-talong kartada ang UP at UST.

Ang tanging kabiguan ng UP ay sa dating kampeon na IPPC Hawks, 5-11, habang tinalo nila ang Big Daddy’s, 19-8, at La Salle Antipolo Alumni, 9-0.

Nabigo rin ang UST sa kamay ng IPPC Hawks, 8-0, bago tinalo ang Big Daddy’s, 24-2, at LS Antipolo Alumni, 9-0.

Makakaharap naman ng nagtatanggol na kampeong Philippine Air Force (PAF), na nanguna sa Pool A, sa do-or-die crossover quarterfinals ang magwawagi sa salpukan ng UP at UST sa Pool C.

Sasagupain ng dating kampeon na IPPC Hawks na nanguna sa Pool C ang National University (NU) Bulldogs na pumangalawa sa Pool A. Naghihintay naman ang Unicornz at Thunderz sa makakasagupa nito sa quarterfinals na magmumula sa top two teams ng Pool D.

Read more...