Huling araw ng sesyon: Solon pinalabas ng plenaryo, dagdag na pensyon sa SSS ipinilit


Sa huling araw ng sesyon ng Kamara de Representantes, pinalabas ng plenaryo si dating Northern Samar Rep. Harlin Abayon bago pa ito makapagsalita.
At naantala rin ang ‘graduation’ ng mga kongresista na hindi na uupo sa 17th Congress matapos na ipilit ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na baliktarin ng Kamara ang ginawang pag-veto ni Pangulong Aquino sa panukalang dagdag na P2,000 sa pensyon ng mga miyembro ng Social Security System.
Hindi kinilala si Abayon ng presiding officer na si House deputy speaker Giorgidi Aggabao dahil ang nakaupo umanong kongresista sa kanyang distrito ay si Rep. Raul Daza.
Inutusan ni Aggabao si House Sergeant-at-Arms Nicasio Radovan na i-escort palabas si Abayon.
Tinalo ni Daza si Abayon sa katatapos na eleksyon.
Punto naman ni Abayon, nagdesisyon ang Korte Suprema na siya ang nanalo noong 2013 elections. Binaliktad umano ng SC ang desisyon ng House of Representatives Electoral Tribunal na si Daza ang nanalo.
Samantala, sinabi ni Colmenares na mahalaga na pagbotohan ang veto alang-alang sa mga retirado. Kailangan ni Colmenares ng two-third ng 290 o 193 miyembro para baliktarin ang veto.
Pero sinabi ni House majority leader Neptali Gonzales II na masasayang lamang ito dahil nag-adjourn sine die na ang Senado. Kailangan din ng two-third ng 24 miyembro ng mga senador para mabaliktad ang veto ng pangulo.
Ayon kay Gonzales maaari na lamang mabuksan muli ang sesyon ng Senado kapag nagpatawag ng special session ang pangulo.

Read more...