Mga fans ni Baste Duterte may hiling kay Vice Ganda

baste duterte
MAY hiling ang milyun-milyong followers ni Vice Ganda sa kanyang mga social account – sana raw ay maging special guest din niya sa kanyang late night talk show sa ABS-CBN ang presidential son na si Sebastian Duterte.
Sa victory at thanksgiving concert para kay President-elect Rodrigo Duterte na ginanap sa Davao nitong nagdaang weekend, na-meet na up close and personal ni Vice ang sikat na sikat na ngayong si Baste.
Na-disappoint ang ilang mga taga-Davao nang hindi na nag-perform ang TV host-comedian sa nasabing victory party para kay Digong matapos magkaroon ng power interruption sa lugar. Pero tuwang-tuwa na rin ang mga tagaroon nang umapir pa rin sa stage si Vice para bumati at magpasalamat sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa kanya.
Sa kanyang Instagram account, nag-post ang Unkabogable Star ng ilang litrato nila ni Baste pati na rin ni Pangulong Duterte.
Nilagyan pa ni Vice ng caption ang isa sa mga photo nila ni Baste ng, “Beauty and The Baste!” na kuha sa title ng 2015 Metro Manila Film Festival entry nila ni Coco Martin na “Beauty And The Bestie”.
Isang photo naman nila ni Pangulong Duterte ang ipinost ng TV host-comedian sa IG na may caption na: “The PRESIDENT and his VICE.”
Dahil nga sa kasikatang tinatamasa ngayon ni Baste, marami ang nag-request kay Vice na i-guest naman ang presidential son sa Gandang Gabi Vice. Kung matatandaan, naging isa sa top-rating episode ng GGV ang guesting noon ni Duterte na ipinalabas noong July, 2015 kung saan napilit pa niya ang bagong halal na pangulo na magsayaw on national TV.
In fairness, mula nang makilala ng madlang pipol si Baste, biglang tumaas ang bilang ng mga followers niya sa social media. In fact, kaliwa’t kanang marriage at baby daddy proposals ang natatanggap niya ngayon.

Read more...