Tabal handang bumalik sa PH track team

NAGKAUSAP na ang kampo ni marathoner Mary Joy Tabal at Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) para sa posibleng pagkakaresolba sa kontrobersiya na kinasasangkutan at estado ng Cebuana runner bilang lehitimong qualifier sa Rio Olympics.

Nalaman mismo sa manager ni Tabal na si Ronel Borromeo na nagsabi na mayroon na silang open line of communication at ipinaliwanag na naging maayos ang kanilang unang pakikipag-usap kay Patafa president Philip Ella Juico kung saan nakatakda itong pormal na makipag-usap upang ayusin ang lahat ngayong Lunes.

Si Borromeo, na nasa Subic upang lumahok sa Regent 5150 Triathlon kasama ang coach ni Tabal na si Philip Duenas, ay nagpahayag ng pagnanais ni Tabal na sundin ang requirement na hinihingi ng Patafa.

“We understand that it’s definitely important for any Filipino to be part of the national team in order to go to the Olympics. There’s no such thing as going to the Olympics and not being part of the national team. There’s a process for this and we’re going to work with Patafa and Joy to meet it,” sabi ni Borromeo.

“If being part of the national team will lead her to the Olympics, she will do it,” paliwanag pa nito.

Matatandaang naabot ni Tabal ang qualifying time sa Olympiad sa ginanap nakaraang Linggo na Ottawa marathon subalit napasok sa kontrobersiya dahil hindi ito kabilang sa miyembro ng pambansang koponan.

Una nang sinabi ni Juico na kailangan ni Tabal, na iniwan ang pambansang koponan matapos ang 2015 Southeast Asian Games, na muling mag-apply upang mapabilang sa pambansang koponan.

Si Borromeo, ang presidente ng Cebu-based Motor Ace Philippines, ang siyang nag-iisponsor sa 26-anyos na si Tabal sapul noong Enero. Ang kompanya ang nagbibigay suporta sa vitamins/supplement, training at paglahok nito sa mga karera.

Idinagdag pa ni Borromeo na ipinadala nila mismo si Tabal sa Nippon Sport Science University sa Yokohama, Japan para sa pagsasanay.

Umaasa ang kampo ni Tabal na magiging positibo ang kanilang pakikipag-usap sa Patafa.

“Our approach now is to really move forward on a positive note so that we can send the first Filipina marathoner to the Olympics. That’s the target so our discussion with Mr. Juico didn’t really focus so much on what happened in the past but what we, the Patafa, and Joy herself, have to do. It was a very good discussion and I think we’d be good to go,” sabi pa ni Borromeo.

Nakatakda naman magbalik sa bansa si Tabal mula sa Canada Linggo ng gabi.

Read more...