NAPILITANG i-cancel ni Vice Ganda ang kanyang performance sa ginanap na thanksgiving at victory party para kay President-elect Rodrigo Duterte nitong nakaraang Sabado.
Ginanap ang nasabing event na inorganisa ng mga Davaeños para sa kanilang outgoing mayor na si Digong. Titled “DU31: One Love, One Nation Thanksgiving Party” ginanap ito sa Crocodile Park Concert Grounds sa Davao na dinaluhan ng humigit-kumulang 500,000 katao.
Nagsilbing hosts sa concert sina Arnell Ignacio, Bayani Agbayani at Kat de Castro na mga kilalang supporters ni Duterte. Ilan sa mga guest performers sina Sarah Lahbati, Arron Villafor, Anton Diva, Ivy Violan, Beverly Salviejo, Carlos Agassi, Jimmy Bondoc, Ivy Violan, Gladys Guevarra, Paolo Santos at Andrew E.
Bukod dito, nagpakitang-gilas din ang iba’t ibang talents na nagmula pa sa iba’t ibang panig ng Davao at iba pang bahagi ni Visayas at Mindanao.
Hnggang 1 a.m. pa sana tatagal ang nasabing thanksgiving party para kay Digong pero napilitan ang organizers na itigil na ang concert dahil sa power interruption dala na rin ng biglang pag-ulan.
Dahil dito, hindi na nakapag-perform ang Phenomenal Box-Office star na si Vice Ganda. Pero humarap pa rin siya sa audience para bumati at magpasalamat sa madlang pipol. Sa kanyang Twitter account, nag-post din siya ng mensahe para sa mga taga-Davao.
“Nakakaiyak! Di man nakapagperform dhil sumabog ang kuryente ok lang. Sapat na saking nagkita kita tayo, nagkawayan at nagkamayan. U Davao! I love you Davao! #DU31!” sabi ni Vice.
Siyempre, bago matapos ang event nagsalita rin si President-elect Duterte at sinabi ang ilan sa mga plano niya sa Pilipinas bilang bagong pangulo ng bansa.