Makulay na buhay ng batang Muslim ibabandera sa MMK

abby mmk

SA patuloy na pagdiriwang ng ika-25 taong anibersaryo ng Maalaala Mo Kaya hosted by Charo Santos, isang kwento ng pag-asa at inspirasyon tungkol sa isang batang Samal na handang ipaglaban ang kanyang pangarap ang ibibida ng programa ngayong Sabado.

Lumaking positibo sa buhay si Patma (Abby Bautista) sa Pagadian sa kabila ng hirap ng buhay. Isang honor student, pinagsasabay ni Patma ang pag-aaral at pagtatrabaho sa palengke para makatulong sa pamilya.

Pangarap din niyang maging isang guro dahil nakikita niyang maraming kapwa batang Muslim sa kanilang lugar ang hindi nakakapag-aral. Ngunit isang trahedya ang babago sa buhay niya at ng kanyang pamilya nang masunog ang kanilang tirahan at eskwelahan.

Kasunod ng pagkawala ng lahat sa kanyang pamilya ay ang pagkawala rin ng pag-asa maging ng kanyang ina (Princess Punzalan) sa mga pangarap ni Patma. Hindi pa nakatulong sa kanyang pinagdadaanan ang pangungutya ng mga kaklase sa kanyang bagong eskwelahan dahil sa kanyang pagiging Muslim.

Paano lalabanan ni Patma ang kawalan ng pag-asa? Paano niya ipaglalaban ang kanyang mga pangarap kahit ang mismong ina na niya ang sumuko para sa isang mas magandang buhay?

Kasama rin sa MMK episode na ito sina Allen Dizon, Peewee O’hara, Kokoy De Santos, Teetin Villanueva, Sexie Daulat at Jomar Santicilles, sa direksyon ni Dado Lumibao, at sa panulat nina Benson Logronio at Arah Jell Badayos. Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head nito na si Malou Santos.

Samantala, ipararating naman ng MMK ang taos-pusong pasasalamat nito sa letter senders sa nakalipas na 25 taon sa isang espesyal na reunion na “MMK Kamustahan,” kung saan makakasama at makakasalamuha ang host na si Charo Santos. Magsisimula ito sa Davao sa Hulyo 9.

Bahagi rin ng 25th anniversary celebration ng programa ang pag-abot sa mga Kapamilya sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Sa “Kwentuhang Kapamilya,” magbabahagi ng inspirational talks si Charo at bibigyang pagkakataon ang overseas Filipinos na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa paninirahan at paghahanap-buhay sa ibang bansa.

Aarangkada ito sa Madrid, Spain sa Hunyo 26, na susundan naman sa Hong Kong sa Hulyo 24. Byaheng North Amerika naman ito sa New Jersey, USA sa Set. 9, sa Alberta, Canada sa Set. 11, at sa Tokyo, Japan naman sa Okt. 16. Samahan ang MMK sa paggawa ng mas maganda pang mga alaala sa ika-25 anibersaryo nito at bisitahin ang mmk.abs-cbn.com. Huwag din itong palampasin tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.

Read more...