Walang forever sa balikbayan box

PABAON o magandang regalo sa ating mga OFW ang batas na pinirmahan ni Pangulong Benigno Aquino III ilang araw bago siya bumaba sa puwesto.

Ganap na ngang batas ang Customs Modernization and Tariff Act o RA 10863. Nagbibigay ito ng mas mataas na exemption para sa mga balikbayan boxes na ipinadadala ng ating mga OFW.

Dati rati ay P10,000 lamang ang tax exemption para sa mga kahong padala ng OFW, pero ngayon ay itinaas na ito sa P150,000 at wala nang buwis na ipapataw sa kanila.

Ngunit hindi ito “forever”. Maaaring gawin lamang ito ng OFW ng tatlong (3) beses sa loob ng isang taon at dapat pampersonal na mga gamit lamang at hindi pambenta o pangkomersyal ang laman ng kahon.

Kaya nga lamang, palagi talagang bukas ang panganib na maabuso ang bawat batas. Tulad na lamang noong kasagsagan ng isyu sa mga nabubuksan na mga balikbayan box, palibhasa sinakyan din naman ng mga politiko, maingay, at kaliwa’t kanan ang batikos, kung kaya’t nagpalamig muna sila.

At dahil diyan, maraming nagpadala ng mga kahon na selyadong-selyado. Balot na balot ng plastic at hindi sila papayag pabuksan.

Kaya nga lamang, may mga kababayan tayong talagang sadyang abusado at mapagsamantala. Tulad na lamang ng isang kahong padala mula sa Amerika. Nang buksan ito, punong-puno ng mga designer bags na napaka-mamahal. At hindi pasalubong ang mga iyon kundi pang-benta. Mga bag na nagkakahalaga ng kulang-kulang tig-P 100,000.

Sabi ng nagpadala, walang may mangingiming gumalaw ng kahon niya dahil putok na putok nga naman ang isyu ng bukas-kahon at sinamantala niya iyon.

Matuto naman sanang sumunod sa mga patakaran at batas na ipinatutupad ang bawat isa. Huwag puro pang-sarili lamang ang iisipin at palaging pakabig, ika nga.

Ang maganda pang balita sa bagong batas na ito, para sa mga OFW na nanirahan na sa ibang bansa sa loob ng sampung (10) taon, hindi na bubuwisan ang kanilang personal na mga kagamitan na nagkakahalaga ng P300,000. At P250,000 naman sa mga tumira ng may limang (5) taon.

Kasabay nito maaasahan din ang full automation ng Bureau of Customs upang maiwasan umano ang face to face contact, bilang paglaban ng ahensiya kontra korupsyon.

Hinggil sa hindi tamang pagdedeklara ng mga produkto o kargamentong pumapasok sa bansa o misdeclaration, dahil sa transparency na ipatutupad, tiyak na maiiwasan na rin ito. Iyan ang ating babantayan.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW Website: bantayocwfoundation.org E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com
Bantay OCW Foundation satellite office: 3/F, 24H City Hotel, 1406 Vito Cruz Extension cor. Balagtas St., Makati City Tel: +632.899.2424

Read more...