MULING iimplementa ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) ang dati nitong house rule na pagpapataw ng mabigat na parusa sa koponan na isasagawa ang intentional foul away from the ball sa huling dalawang minuto ng mga laro sa 92nd basketball season na magsisimula sa Hunyo 25 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sinabi ni NCAA Commissioner Andy Jao na papatawan ang player na lalabag sa kautusan ng unsportsmanlike foul na magreresulta ng isang free throw at ball possession na kakaiba sa nakaraang taon kung saan kinunsiderang ordinaryo ang mga foul na nagresulta lamang ng dalawang foul shots kung ang koponan ay nasa penalty.
“It will be implemented this year,” pagkukumpirma ni Jao.
Hindi ikinatuwa ng liga ang kautusan noong nakaraang taon na pinapayagan ang mga koponan na isagawa ang “foul away from the ball” sa huling minuto ng laro dahil nagbibigay ito sa gumagawa ng foul ng bentahe na bigyan ng foul ang isang manlalaro na mahina sa free throw.
Ang taktika na kilala bilang “Hack-A-Shaq” sa National Basketball Association (NBA), na isinagawa kay dating NBA star Shaquille O’Neal, dahil na rin sa mas malaki ang tsansa nito na magmintis sa krusyal na bahagi ng laro dahil sa mahina ito sa free throw.
“It has become a joke and we don’t want it to happen again this year,” sabi lamang ni Management Committee chair Jose Mari Lacson ng season host San Beda.
Sinabi ni Jao na kinuha rin nito ang mga opisyales mula sa tatlong referee association para mamahala sa laro.
“I will tap 10-11 referees from Nabrascu, eight to nine from Nabro and three or four veteran officials to handle the games this year,” sabi ni Jao.
Bagaman ang mga game officials ay magmumula sa tatlong grupo, ang lahat ay accredited naman sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
“All of them are SBP-accredited,” sabi ni Jao, na nakatakdang makipagdayalogo sa mga players at coaches para malinawan ang isyu.
“I will sit down with everyone as often as I can and ask them to cooperate,” dagdag pa ni Jao.