KAILANGANG intindihin ng madla si Rodrigo “Digong” Duterte, ang ating magiging Pangulo umpisa ng June 30, sa kanyang kakaibang pag-uugali.
Mag-uumpisa siyang magtrabaho ng 1 p.m. hanggang 1 a.m. kinabukasan kapag siya’y naging Numero Uno ng bansa.
Hindi niya dinaluhan ang kanyang proklamasyon bilang Pangulo ng bansa sa Kongreso.
Dapat bigyan natin ng lugar si President-elect Digong sa kanyang pamamaraan sa pagpapatakbo ng bansa na naiiba sa mga Pangulong nagdaan.
Bilang mayor ng Davao City, nag-uumpisang magtrabaho si Digong ng tanghali at natatapos siya ng disoras ng madaling araw.
Pero kahit na ganoon ang kanyang work schedule, siya’y epektibong chief executive ng lungsod at mabilis siyang magtrabaho.
Hindi dinaluhan ni Digong ang kanyang proklamasyon bilang Pangulo sa Maynila dahil tinatapos niya ang kanyang mga gawain sa Davao City Hall bago siya tumuntong ng Malakanyang.
May ibang dahilan kung bakit hindi siya dumalo sa kanyang proklamasyon: Ayaw ni Digong ang mga mararangyang okasyon; mas gusto niyang makihalubilo sa mga mahihirap kesa makihalo sa mga taong alta sociedad.
Kakaunti ang nakakaalam niyan.
Bilang kanyang kaibigan, pinapayuhan ko si Digong na alisin na si Salvador Panelo bilang presidential spokesman bago pa man dumating ang June 30, ang kanyang panunumpa bilang Pangulo.
Ipapahamak si Digong ni Panelo.
Hindi bagay na maging Cabinet member si Panelo.
Nagsasalita siya ng wala sa lugar, hindi siya kagalang-galang sa kanyang kilos, at kinakalaban niya ang mga reporters na dapat ay kinakaibigan niya.
Paano mo naman igagalang ang isang Cabinet member na nagsusuot ng punit-punit na jeans at leather jacket kahit na mainit ang panahon?
Amoy-lupa na si Panelo pero nag-aasta siyang parang 18 years old.
Dapat ay nagsusuot siya ng barong Tagalog o coat and tie.
Wala kayang nagsasabi kay Panelo na mukha siyang busabos sa pagsusuot niya ng gunit-gunit na jeans at leather jacket na wala naman siyang motorsiklo?
Nagkatagpo si Panelo at si Deedee Siytangco, columnist ng Manila Bulletin, sa isang party at inumpisahan ng columnist na makipagtsikahan sa kanya.
Sinabi ni Deedee kay Panelo na ipinagtatanggol ni Digong ang pagpili sa kanya bilang presidential spokesman.
Kumunot daw ang mukha ni Panelo sa tinurang yun ni Deedee at pasigaw na sinagot siya, “I am perfectly capable of defending myself,” at sabay daw na inalisan ang babae.
“Mon, for a presidential spokesman he’s so bastos,” sabi sa akin ni Deedee.
Teka nga pala.
Bakit pinili ni Digong si Panelo na maging presidential spokesman samantalang nandiyan naman si Pete Lavina na magaling na tagapagsalita niya noong kampanya?
Magaling makipag-usap si Lavina sa mga reporters, pero bakit si Panelo pa ang pinili ni Digong bilang kanyang spokesman?
At bakit inapoint ni Digong ang dating Marine Capt. Nicanor Faeldon, na kasali sa Oakwood Mutiny, bilang customs commissioner?
Walang karanasan ang batambatang si Faeldon sa revenue collection at baka paiikutin siya ng mga kawatan sa Bureau of Customs.
Bakit hindi na lang ni-retain ni Digong si Customs Commissioner Bert Lina na very competent and honest?
Mukhang hindi kinonsulta ni Digong ang kanyang magiging finance secretary na si Sonny Dominguez.
Ang pagpili kay Faeldon bilang customs commissioner ay parang pag-appoint ni Pangulong Noynoy kay Ruffy Biazon bilang customs chief.
Ang tinapos ni Biazon sa college ay medical technology at wala siyang kaalam-alam sa taripa.
Ang tanging qualification ni Biazon ay naging seat mate siya ni P-Noynoy noong silang dalawa ay mga congressmen pa.
As we all know, pumalpak si Biazon bilang customs commissioner.