Pacman nakipagkita kay Duterte, tinawag na plastik at balimbing ng mga netizens
MATINDING pamba-bash ang inabot nina Manny Pacquiao at misis na si Jinkee mula sa ilang netizens matapos silang mag-post ng mga litrato kasama si President-elect Rodrigo Duterte.
Kuha ang mga nasabing photo sa Davao nang magkasamang mag-dinner ang tropa ni Digong at ang mag-asawang Manny at Jinkee. At dahil nga rito, kung anu-anong masasakit at mahahalay na salita ang ipinakain sa dalawa ng mga matatapang na bashers.
Kesyo balimbing daw si Pacman at lumabas na ang tunay na kulay nito ngayong tapos na ang halalan. Kung matatandaan, naging katiket ni Pacman ang presidential candidate na si Jojo Binay noong nakaraang eleksiyon, pero ngayon, ang sinasabi na ng bagong halal na senador ay matagal na niyang sinusuportahan ni Duterte.
Sabi pa raw ni Pacman sa isang panayam, “Noon pa man hanggang ngayon, ang suporta ko na kay Digong.” Kasama sana si Pacquiao sa senatorial list ni Duterte, pero tinanggal ito nang umanib siya sa kampo ni Binay.
Idinepensa naman ni Pacquiao ang kanyang sarili sa mga bashers na kumukuwestiyon sa kanyang loyalty. Sabi ng Pambansang Kamao, nakaoo na siya noon kay Binay kaya pinanindigan lang niya ang kanyang pangako.
Ilang netizens din ang nagtanggol sa boxer-politician, ayon sa mga ito, matagal nang magkaibigan sina Pacman at Digong, sa katunayan ikinampanya pa ni Duterte noon si Pacman kahit hindi ito umanib sa kanya. Sa isang panayam sinabi raw ni Digong na, “Even if he is with VP Binay, I would still like to pitch for him. Huwag ninyo siyang kalimutan. Kahit wala siya sa akin at doon siya sa kabila, kindly suportahan ninyo si Pacman. Kaibigan ko siya. Pareho kaming taga-Mindanao at magkasama kami sa sakripisyo at kaligayahan.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

