3 testigo lumutang kaugnay ng umano’y dayaan sa eleksiyon noong Mayo 9

senate
LUMUTANG ngayon sa Senado ang tatlong testigo kaugnay ng dayaan at manipulasyon sa nakaraang eleksiyon noong Mayo 9 kung saan nakinabang umano sina dating Interior secretary Manuel “Mar” Roxas II at Camarines Sur Rep. Ma. Leonor “Leni” Robredo.
“Kami po ay humarap at humiling ng tulong kay Mr. Boy Saycon upang mailahad namin ang katotohanan, ang buong pangyayari, ang nangyaring manipulasyon at dayaan sa nangyaring halalan ng nakaraang bilangan,” sabi ng isa sa mga testigo na inilarawan ang sarili bilang isang logistic supervisor.
Si Saycon ay si Pastor Saycon, secretary-general of the Council on Philippine Affairs (Copa), na siyang kasama ng mga testigo sa ginawang press conference sa Senado.

“Nagpasya po kaming lumantad dahil sa nangyayari na kami po ang mismong nakasaksi at kami po ang ginamit na kasangakapan sa pangyayaring ito,” dagdag ng testigo.
Idinagdag ng testigo na nangyari ang manipulasyon ng boto sa isang pribadong gusali na kung saan apektado ang boto ng Quezon.
“Sa amin po na-i-transmit yung mga galing sa munisipalidad na nabilang na upang mamanipula namin ang mga numero at mailagay po namin dun sa gusto nilang kandidato at ang ginagawa po namin, pagkatapos po sa amin binabato naman po namin doon sa aming mga kasama sa second floor, 3rd floor na sya pong may makina ng Smartmatic na nagbabato po sa mga kaukulang server…Sila na po ang nagsasaayos nun para po ang boto ay mailagay kung saan po nila gusto,” kwento pa ng testigo.
Inamin niya na hindi siya eksperto sa information technology (IT), bagamat tinuruan sila paano dayain ang resulta.
Idinagdag niya na ang kanyang mga kasabwat ang nag-encode ng mga resulta mula sa munisipalidad.
“Isa pong mataas na opisyal ng gobyerno…particular po ay Liberal Party,” sabi ng testigo nang tanungin kung sino ang nag-utos sa kanila.
Tumanggi naman siyang pangalanan ang opisyal habang inihahanda ang kanilang aksyong ligal.
Sinabi niya na dinagdagan umano ang boto para kina Roxas at Robredo.
Idinagdag ng testigo na nawalan ng tinatayang 200,000 boto ang kalaban ni Robredo na si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., samantalang dinagdagan umano ng 300,000 boto si Robredo.
Ayon pa sa testigo, umabot naman sa 400,000 boto ang idinagdag kay Roxas.
Sinabi pa ng testigo na dinagdagan din ang boto ng ilang tumakbo sa pagkasenador, bagamat pinangalanan lamang si si Senate President Franklin Drilon, vice chairman ng LP.
“Marami po, mahirap pong sabihin isa-isa kasi marami po sila,” dagdag ng testigo.
Nang tinanong kung sino ang pinakamalaking benepisyaro ng manipulasyon, sumagot ito ng: “Senator Drilon po.”
“Hindi na po namin kayang tiisin ang pangyayaring ito kaya po kami humingi ng tulong kay Ginoong Boy Saycon,” sabi ng testigo nang tanungin kung bakit sila lumabas. Inquirer.net

Read more...