OPISYAL nang nagtapos ang canvassing ng National Board of Canvassers Biyernes ng gabi, kung saan nanalo si Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Camarines Sur Rep. Leni Robredo.
Nakakuha si Duterte ng 16,601,997 milyon boto malayo sa kanyang mga kalaban.
Tinalo niya sina Mar Roxas na may 9,978,175 boto, Sen. Grace Poe na may 9,100,991, Vice President Jejomar Binay na may 5,416,140 boto, Sen. Miriam Defensor Santiago na may 1,455,532 at ang namayapang si Roy Seneres na may 25,779 boto.
Nauna ng nag-concede si Poe, Roxas at Binay.
Naging dikit naman ang laban nina Robredo at Sen. Bongbong Marcos.
Nakakuha si Robredo ng 14,418,817 boto samantalang si Marcos ay may 14,155,344 boto.
Sumunod naman sina Sen. Alan Peter Cayetano na may 5,903,379 boto, Sen. Francis Escudero na may 4,931,962, Sen. Antonio Trillanes na may 868,501 at Sen. Gringo Honasan 788,881 boto.
Hindi tinanggap ng NBOC ang reklamo mula sa kampo ng mga kandidato dahil ang kanilang mandato ay mag-canvass lamang.
Ang mga reklamo sa eleksyon ng pagkapangulo at bise presidente ay tinatalakay ng Presidential Electoral Tribunal na binubuo ng mga miyembro ng Korte Suprema.
Sa Lunes ay magsasagawa ng joint session ang Kamara at Senado upang aprubahan ang report ng NBOC. Susundan ito ng proklamasyon ng mga nanalo.
MOST READ
LATEST STORIES