“HINDI na yun kailangan!” Ito ang sagot ng award-winning Kapuso actress na si Jaclyn Jose tungkol sa pagsusulong ng hero’s welcome at motorcade ng ilang proud Pinoy para sa kanya.
Ayon sa mga netizens at Kapuso viewers, dapat lang daw na bigyan ng bonggang pagkilala ang aktres dahil sa pagbibigay nito ng karangalan sa bansa matapos manalong Best Actress sa 69th Cannes Film Festival na ginanap sa France para sa pelikulang “Ma’ Rosa”.
Sa panayam kay Jaclyn sa presscon ng bago niyang comedy show sa GMA 7, ang A1 Ko SaYo, sinabi nitong hindi na siya umaasa ng hero’s welcome pagbalik niya rito galing sa Cannes. Aniya, sapat na sa kanya ang ibinigay na pagpapahalaga ng mga bossing ng Kapuso network sa kanyang pagbabalik.
“Hindi naman kailangan na ‘yon, di ba? Ito lang salubong sa akin ng Kapuso, dito sa kung saan ako under contract, ang laki na nito. Sapat na sapat na. Ang sarap na ng pakiramdam na yun,” aniya.
Samantala, hindi ito ang unang pagkakataon na nakapagbigay ng parangal si Jaclyn sa bansa sa larangan ng sining. Noong November 1994, kinilala rin ang galing niya sa pag-arte sa 14th Festival International du Film d’Amiens sa France.
Ito’y para naman sa internationally-acclaimed Filipino classic movies na “Macho Dancer”, “Private Show” at “Itanong Mo Sa Buwan.” “Yung tribute sa Amiens na dinedma ng mga tao. May tribute ako sa Amiens, itanong mo kay Ed (Instrella, dati niyang manager), mga 1994 ‘yon,” aniya pa.
Sinagot din ni Jaclyn ang tanong kung ano ang reaksiyon niya sa ilang bashers na nagsasabing hindi naman pang-best actress ang role niya sa indie film na “Ma’ Rosa” kaya hindi raw siya ang dapat na manalo.
“If you see the film, you’ll say it’s not a supporting (role). You’ll see,” sagot ng nanay ni Andi Eigenmann na kasali rin sa movie. Nauna nang dinepensahan ng members ng Cannes jury ang pagkapanalo ni Jaclyn at deserving daw siya sa parangal.
Ilan sa mga miyembro ng Cannes jury ay ang mga Hollywood celebrities na sina George Miller (direktor ng Mad Max), Kirsten Dunst, Mads Mikkelsen (Hannibal), at Donald Sutherland (Hunger Games).
Agree rin daw si Jaclyn sa sinabi ni Donald Sutherland na ang huling eksena niya sa “Ma’ Rosa” ang nagpanalo sa kanya. Ito raw ‘yung eksenang kumakain siya ng fish balls. “Tingin ko rin, yun nga rin. Pinaghirapan ko yun, ha. Kinarir ko ‘yun. Pa-low key lang ang emote, kailangan di umaarte,” chika pa ng aktres.