School principal pinatay ng mister

BUKIDNON
Nasawi ang isang school principal matapos pagbabarilin ng kanyang mister sa loob ng pinagtatrabahuhan niyang paaralan sa Malaybalay City, Bukidnon, ayon sa pulisya.

Ikinasawi ni Florina Tenorio, principal ng Casisang National High School, ang tatlong tama ng bala sa katawan, sabi ni Supt. Surki Sereñas, tagapagsalita ng Northern Mindanao regional police.

Naganap ang insidente dakong alas-10:48 ng umaga Martes sa kiosk ng paaralan sa Brgy. Casisang.

Napag-alaman na bago iyo’y sadyang nagtungo sa paaralan ang mister ni Florina na si Arnold Tenorio, isang retiradong bumbero, at pinapunta ang principal sa kiosk.

Agad bumunot ng baril si Arnold at pinaputukan nang tatlong beses ang misis nang makapasok ang huli sa kiosk, ayon sa ulat ng Bukidnon provincial police.

“Investigation revealed that the couple has been arguing often [because of] the suspect’s drug problem,” ani Sereñas.

Dinala pa si Florina sa Bukidnon Provincial Medical Center, ngunit binawian siya ng buhay alas-12:30 ng tanghali.

Matapos ang insidente’y tumakas si Arnold sa paaralan lulan ng motorsiklo, pero nadakip sa kanyang bahay sa Azura Subdivision.

Nakorner ng lokal na pulisya si Arnold sa kanyang bahay at sumuko siya matapos ang tatlong oras na negosasyon, ayon sa provincial police.

Nakuha sa suspek ang isang kalibre-.45 pistola na may kargang pitong bala, tatlong bala, isang basyo, at isang slug.

Nakaditine ngayon si Arnold sa Malaybalay City Police Station habang hinahandaan ng kaukulang kaso, ani Sereñas.

Read more...