WINALIS ng Philippine Navy B ang apat nitong laban sa Pool A habang nanatiling walang talo ang kakampi nito na Philippine Navy A sa Pool B upang kapwa umusad sa semifinals ng men’s division sa ginaganap na eliminasyon ng 2016 Philippine Super Liga (PSL) Beach Volleyball Challenge Cup sa Sands SM by the Bay sa Mall of Asia.
Binigo ng pares nina Pajiji Alsali at Milover Parcon ng Navy B ang tambalan nina Geric Ortega Ruvince Abrot ng UE-Manila, 21-13, 21-18, bago nito dinungisan ang dating malinis na kartada ng FEU-A nina Joel Cayaban at Franco Camcam, 21-18, 21-10, para sa apat na sunod nitong panalo.
Hindi naman nagpaiwan ang Philippine Navy A nina Nur-amin Madsairi at Roldan Medino na pinatalsik ang pareha ng kambal na sina Daniel at Tim Young ng SM By the Bay, 21-9, 21-9, bago dinungisan ang kartada ng pares nina Kris Guzman at Anthony Arbastro ng TVM, 16-21, 21-17, 18-16.
Tanging ang dalawang mangungunang koponan lamang ang uusad sa dalawang grupo ng kalalakihan sa matira-matibay na semifinals na gaganapin sa darating na Linggo.
Pinaglalabanan naman ang natitirang silya sa semis ng FEU-A nina Cayaban at Camcam at ang tambalan nina Arjay Salcedo at Bobby Gatdula ng IEM para sa Pool A habang sa Pool B ay ang pareha nina Guzman at Arbastro ng TVM at ang tambalan ng magkapatid na Cignal Team Awesome nina Rey at Reylan Taneo.