BASTA nagustuhan namin ang isang piyesa ay nakasanayan na naming patugtugin ‘yun sa “Cristy Ferminute” (Aksyon TV-41-92.3 News FM).
Kilala man namin nang personal ang singer o hindi ay nagiging bahagi ng aming programa ang kanta.
Palagi naming pinatutugtog ang piyesang “Ordinary Song.” Nu’ng una naming marinig ‘yun, ang akala nami’y banyagang singer ang kumanta, ibang-iba ang haplos ng kanyang boses.
Siya si Marc Velasco, isang magaling na acoustic singer na akala mo vendo machine, kahit anong kanta ang hilingin mo sa kanya ay siguradong kabisado niya. Naging emosyonal ang pagge-guest niya sa “CFM” nu’ng nakaraang Biyernes. Nasa kritikal na kundisyon ngayon ang co-host naming si Richard Pinlac.
Kapag pinatutugtog namin ang “Ordinary Song” ay isinasalin ‘yun sa ating lengguwahe ng mahal naming kaibigan-anak-anakan. Pagsalang ni Marc Velasco ay napansin din ng aming mga kaibigan at regulars na may hawig siya kay Richard.
Pati ang mga tagapanood-tagapakinig namin sa Canada at sa UK ay ‘yun din ang itinext sa amin.
Sayang, wala si Richard sa studio, sana’y personal na napatunayan ng aming kasamahan kung gaano kagaling si Marc Velasco na anak ng Zamboanga City.
Napakagaling niya, maging ang mga kasamahan naming sina Ronnie Carrasco (na isang magaling na singer din tulad ng aming patnugot dito sa BANDERA na si Ervin Santiago) at Pilar Mateo ay sumasaludo sa kakaiba niyang boses na napakalamyos.
Nakaisip kami ng paraan para makatawid kay Richard ang magaling na pagkanta ni Marc Velasco, inilagay ng kanyang ina ang earphone kay Richard, nag-text sa amin si kasamang Ambet Nabus na nasa ICU.
“‘Nay, lumuluha si Richard,” text ni Ambet, kinilabutan kaming lahat, lalo na ang mga regulards naming patuloy na nagdarasal para sa mabilisang pagdilat ni Richard na comatose pa rin hanggang ngayon.
Ang nagagawa nga naman ng musika. Ang milagro nga namang nagagawa ng isang Marc Velasco.
Harinawang sa lalong madaling panahon ay magising na mula sa mahabang pagkakatulog ang mahal naming kaibigan-anak-anakan.