EKSKLUSIBONG makakapanayam ni Jessica Soho si presumptive President Rodrigo Duterte ngayong Linggo sa Kapuso Mo, Jessica Soho.
Sasagutin ni Digong ang mga maiinit na isyung kinakaharap niya ngayong nakatakda na siyang maging ika-16 na pangulo ng Pilipinas. Ano naman kaya ang magiging reaksyon niya kapag pinabasa sa kanya ang ilang “Anti-Dutertweets” na umaalma sa istilo ng kanyang pamumuno at pumupuna sa kanyang pagkatao?
Nakapanayam din ng KMJS ang batikang photojournalist na si Rene Lumawag na nalitratuhan ang ilang dekadang karera ni Duterte sa politika. At si Rene, may simpleng handog sa susunod nating presidente: ang pinakaiingat-ingatan niyang litrato ni Digong kasama ang ina nito na si Soledad.
Samantala, itinuturing na rin ang pagpo-pole dancing na sports ngayon. Sa katunayan, sa katatapos lang ng Pole Dance Challenge 2016 na ginanap sa Singapore, dinaig ng mga Pinay na sina Kristel de Catalina at Jamaica Jornacion ang mga kinatawan ng ibang mga bansa. Abangan kung sinong celebrity ang makikipagsabayan sa mga pole dancing queens sa pagsasayaw at paggawa ng kung anu-anong stunts habang bumabale-balentong sa mga pole.
Malaking iskandalo sa Sapian, Capiz ang nangyari kamakailan sa isang kasal. Nang patapos na kasi ang reception, ang bride habang suot-suot pa ang damit pangkasal, diumano ay bigla na lang sumama sa naka-motor na lalaki na kolektor ng isang lending company. Ano nga ba ang katotohanan sa likod ng pinag-uusapan ngayong “Runaway Bride” ng Capiz?
Abangan ito at ang iba pang kuwento ngayong gabi sa Kapuso Mo, Jessica Soho, pagkatapos ng Ismol Family sa GMA 7.