NALULUNGKOT ang spiritual adviser ni presumptive President-elect Rodrigo Duterte na si Pastor Apollo Quiboloy sa mga napiling mga miyembro ng kanyang Gabinete dahil hindi masusing pinili ang mga ito, ayon sa tagapagsalita ng huli.
“Dapat may tamang proseso,” sabi ni Mike Abe, na binabanggit ang pahayag ni Quiboloy.
Idinagdag ni Abe na mismong si Peter Laviña ang nagsabi na unang ilalagay sana si reelected Las Piñas Rep. Mark Villar bilang secretary ng Department of Trade and industry (DTI) ngunit dahil sa pagla-lobbt ni Sen. Alan Peter Cayetano, siya ay inilagay bilang kalihim ng Department of Public Works and Highway (DPWH).
Sinabi pa ni Abe na hindi pa nagkakaroon ng opisyal na komunikasyon sina Quiboloy at Duterte matapos ang eleksiyon noong Mayo 9.
Idinagdag niya na hindi kinonsulta ni Duterte si Quiboloy kaugnay ng mga inihayag na itatalaga sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
“Yan po ang malungkot. Wala pong nangyaring consultation. Since Day 1 (after election day), di siya (Quiboloy) natawagan,” ayon pa kay Abe.
Sinabi pa ni Abe na nais sanang kausapin ni Quiboloy si Duterte ngunit hindi nito magawa.
“Hinaharang ng mga taong nakapaligid sa kanya (Duterte’s men have been preventing (Quiboloy) from getting near him),” sabi pa ni Abe.
Iginiit naman ni Abe na hindi interesado si Quiboloy sa posisyon sa gobyerno.
Aniya, nais lamang nitong sundin ang proseso sa pagpili ng kanyang itatalaga.
“Gusto lang tumulong ni Pastor kay Mayor and to the Filipinos,” sabi pa ni Abe.
“Dapat suriin kung sino ang karapat-dapat,” ayon pa kay Abe, na aniya’y siyang posisyon ni Quiboloy.