ILANG linggo na lang at pasukan na naman sa eskwela.
Abalang-abala na ang bawat pamilyang Pilipino para sa kanilang mga estudyante. Ito ‘anya ang mga panahong pinaghahandaan nila dahil malaki ang mga gastusin, bukod sa tuition, andiyan pa ang uniporme, mga libro, school supplies at ang araw-araw na gagastusin para sa baon ng kanilang mga estudyante.
Sa pamilyang OFW, marami ang nangibang bayan upang maitaguyod ang kanilang mga anak at mapagtapos ng pag-aaral. Para sa kanila, sapat nang mabigyan nila ng edukasyon bilang puhunan ang mga anak kahit para na lamang sa kanilang mga sarili.
Ngunit hindi naman iyan ang realidad. Hindi naman kaagad-agad nakakahanap ng trabaho ang mga kabataang ito kahit pa sabihing graduate na at may mataas na mga pinag-aralan o maraming kursong kinuha.
Maraming problemang kinakaharap ang pamilya ng ating mga OFW. Tulad na lamang ng reklamo ng tatay na seaman.
Pitong taon na anyang nasa kolehiyo ang anak. Shift ito ng shift ng kurso. Hindi rin niya alam ang dahilan kung bakit hindi makatapos-tapos ang anak. Hiwalay na ito sa asawa at nakatira na lamang ang bata sa kaniyang kapatid.
Gayong panay na rin naman ‘anya ang pakiusap ni tatay na gusto na rin niyang huminto sa pagsakay ng barko at siya na lamang ang dahilan kung bakit hindi siya makababa.
Sigurado kasi ang seafarer na hindi na niya mapagtatapos pa sa pag-aaral ang anak kung hindi na siya OFW. Wala naman daw siyang nakikitang trabaho na agad mapapasukan sa Pilipinas at kayang sustentuhan ang pag-aaral nito.
Ganito rin halos ang himutok ng isang inang OFW sa Hong Kong. Tatlo ang nasa kolehiyo niya ngunit mas abala pa ‘anya ang mga anak sa pagbabarkada at hindi sa pag-aaral.
Kung hindi bumabagsak ang mga grado, pasang-awa naman!
Ayaw niya namang pahintuin sa pag-aaral ang mga anak dahil mas takot ‘anya siyang malulong lamang sa masasamang bisyo at magrebelde ang mga ito.
Gayong pikit-mata niyang ipinangungutang ang pang-matrikula ng mga ito, panalangin na lamang daw niyang sana magtino naman sana sila sa taong ito.
Hindi rin ‘anya siya nawawalan nang pag-asa na sa bandang huli, matututong pahalagahan din ng mga anak niya ang pagmamalasakit at paghihirap sa abroad.
Wala namang nababago sa usapin ng pagmamahal ng mga magulang na ito sa kanilang mga anak.
Siyempre gagawin nila ang lahat magtagumpay lamang sila, ngunit hindi rin maikukubli ang labis na sama ng loob at paghihimutok na nadarama.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes alas 10:30 ng umaga hanggang alas 12 ng tanghali. Mapapanood via live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW Website: bantayocwfoundation.org E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com.