MAGING bukas sa lahat ng tao ‘pagkat di natin alam kung paano kumikilos ang Diyos sa kanilang personal na buhay. Kakampi natin ang di natin kalaban. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Jaime 4:13-17; Slm 49; Mk 9:38-40) sa Miyerkules sa ikapitong linggo ng taon, turan ang pakikipagtulungan pa rin kay Rodrigo Duterte sa kabila ng salungat na paninindigan sa usaping bitay .
Asikasuhin agad ang malalaking kriminal, at di ang kritikong media. Kung paano papatayin ang malalaking kriminal ay si Digong lamang ang nakaaalam. Ang dambuhalang mga kriminal, ilan ay protektado ng tiwaling mga opisyal ng PNP, ay yumabong at nagparami dahil kinunsinte ito ni BS Aquino. Nang sabihin ni Digong sa PNP na magbalut-balot na ang tiwali, pahiwatig na di niya lubos na kilala ang mga ito.
Ang banta ng papasok na liderato ng PNP kontra kriminal ay madugo. Pero, ang pagdanak ay magaganap lamang sa “laylayan,” na siyang pinangangambahan ng simbahang Katolika. Iginiit ni Pangulong Obama kay Digong ang paggalang at pagpapairal sa karapatang pantao; na di tuwirang paalala ng “kuwidaw.”
Sa kabila ng paggigiit ng pagbabalik ng bitay, bukas pa rin ang simbahan sa pakikipag-usap kay Digong; na tulad lamang ng trato sa alibugho, na sa kabila ng malaking kasalanan ay nagbalik pa rin, nagsisi at nagpakumbaba. Hindi mapipigilan ng simbahan ang pagbabalik ng bitay, tulad ng naganap sa nakalipas na mga administrasyon, pero di rin hihinto ang dalangin para umiral ang nais ng Diyos.
Kailangang matauhan si Digong sa katotohanan pagkatapos ng nag-uumapaw na kaligayan ng di mawatas na panalo. Ang katotohanan ay napakalaki ng Pinas at maliit ang Davao City. Ang katotohanan ay napakalaki ang sira na iniwan nina Aquino, Abad, Abaya, Soliman, Belmonte, Drilon, Honrado, Roxas, Coloma, atbp., at wala pang naririnig kung paano kukumpunihin ang mga ito at pananagutin ang mga may sala.
Sinira rin ni Aquino ang hudikatura at dalawang kapulungan ng Kamara. Bilang abogado, alam ni Duterte na dapat ay may paggalang at pagtitiwala ang taumbayan (maging ang kapwa abogado) sa hudikatura, lalo na sa Korte Suprema. Sa Kamara, ilantad ang bobo at ogag na mga sikat na ibinoto rin ng kapwa nila. Ginagawa ito ni Digong sa kanyang mga opisyal, na nalihis ng landas.
Ang surprise drug test sa PNP ay walang patutunguhan. Sa Cavite, ilang taon na ang nakalilipas, walang napatunayang “positibo.” Ang positibo ay naging negatibo nang hilutin. Drug test? Dapat alak test, tulad ng ginawa noon ni Lacson. Ang alak, na bisyo, ay nakapagpapahina ng performance ng pulis.
Ipatitigil ni Digong ang maiingay na videoke, lalo na kapag gabi. Ang inireklamong mga gulo sa mga barangay sa Caloocan ay mula sa videoke. Kagulat-gulat na ang Sangguniang Panlunsod ay inupuan ang panukalang batas hinggil dito ilang taon na ang nakalilipas, samantalang ang karamihang lunsod sa Metro Manila ay may local ordinance kontra videoke. Kalokohan sa Caloocan.
Wala pang malinaw na utos si Digong kontra jueteng sa Metro Manila. Ang Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela ang pangunahing distrito ng jueteng dahil marami ang “binubuhay” nito: barangay, pulis at politiko. Nang dahil sa hirap ng buhay, ang barya-barya ay puwede na at kapag araw-araw na naiipon ay malaki rin naman. Nilabanan ni Jesse Robredo ang jueteng.
MULA sa bayan (0916-5401958): Nawala ang boto ng Iglesia Ni Cristo kay Bongbong dito sa Basilan at ilang lugar sa ARMM. Hindi na raw makita dahil napalitan na. …6653