NGAYONG gabi ang album launching ni Rayver Cruz sa Urban Bar handog ng Cornerstone Music at Academy of Rock titled “What You Want” na may carrier song na “Bitaw” composed by Jonathan Manalo under Star Music.
Ang magkakaibigang Rayver, Gerald Anderson, Sam Milby at Academy of Rock ang producer ng album at ang Cornerstone Music naman ang bumuo ng concept. Matagal na naming alam na singer si Rayver kaya bakit ngayon lang siya naglabas ng album.
“E, kasi walang sumugal na ipag-produce siya ng album, ang alam kasi artista siya, ganu’n,” kuwento ng manager ni Rayver na si Albert Chua.
Sa mga hindi nakakaaalam ay matagal ng magkakaibigan sina Rayver, Gerald at Sam at habang naga-unwind ang tatlo sa bahay ng Doble Kara lead actor ay nagkantahan ang tatlo at nagulat si Sam na may boses din ang binata kaya pinakanta niya ito ng isang piyesa at ini-record.
Ipinarinig naman daw ni Sam ang recorded song ni Rayver at pinahulaan sa ilang mga kaibigan niya in and out of showbiz kung sino ang kumakanta at wala ni isa ang nakasagot ng tama kaya laking gulat ng mga ito nang malamang si Rayver ito.
Hindi na nakapagtataka kung magkaroon din siya ng swabeng boses dahil mula sa pamilya Cruz si Rayver na kilalang magagaling na artista at singer.
Dance album ang concept ng “What You Want”, nandito ang version niya ng Gary Valenciano song na “Hataw Na”, ang “Dance The Night Away”, “Feeling Good” at iba pa.