INIUTOS ng Sandiganbayan Sixth Division ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban kay dating Philippine National Police chief Alan Purisima at kanyang mga kapwa akusado kaugnay ng kasong graft na isinampa sa kanila sa maanomalya umanong courier service contract.
Bukod kay Purisima, kasama sa warrant of arrest ang mga dating opisyal ng PNP na sina dating Director Gil Meneses, Chief Superintendent Napoleon Estilles, Allan Parreño, Melchor Reyes, Ford Tuazon, at mga opisyal ng Werfast Documentary Agency Inc., na sina Mario Juan, Salud Bautista, Enrique Valerio, Lorna Perena at Juliana Pasia.
Nauna ng naglagak ng piyansa sina Raul Petrasanta, Eduardo Acieto, Lenbell Fabia, Sonia Calixto, Nelson Bautista at Ricardo Zapata Jr.
“After judicious scrutiny and evaluation of the Information and resolution of the prosecutor, the evidence in support thereof and the records of the preliminary investigation attached thereto, the Court finds that sufficient grounds exist for the finding of a probable cause and for the issuance of a warrant of arrest against all the accused charge in the instant case.”
Itinakda na rin ang pagbasa ng sakdal sa mga akusado sa Hunyo 20, alas-8:30 ng umaga.
“Furthermore, considering that the grounds relied upon by the accused in their motions are matter of defense, the same are best raised and threshed out during trial,” saad ng resolusyon ng korte.
Ang kaso ay nag-ugat sa pagpasok ng kontrata ng PNP para sa Werfast para sa mandatory courier service ng mga lisensya ng baril.
Naniningil ang Werfast ng P190 para sa Metro Manila at P290 sa labas ng Metro Manila para sa kanilang serbisyo.
Ayon sa Ombudsman ang kaparehong serbisyo na ibinibigay ng ibang kompanya sa Metro Manila ay nagkakahalaga lamang ng P90.
Kuwestyunable rin umano ang pagbibigay ng kontrata sa Werfast na hindi dumaan sa public bidding. Hindi pa rin umano rehistrado ang Werfast ng ibigay dito ang kontrata noong Mayo 2011 bukod pa sa kawalan nito ng track record.
MOST READ
LATEST STORIES