Katapusan na ng mga kriminal

ISINIWALAT ni Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte sa publiko kung paano niya aalisin ang droga, krimen at korapsyon sa gobiyerno sa kanyang anim na taong panunungkulan sa Malakanyang.

Isa-isa niyang binanggit ang kanyang plano sa pagsugpo ng mga salot ng lipunan sa kanyang mahaba at walang interruption na pagsasalita sa harap ng mga TV cameras at reporters.

Ayaw ko nang ulitin yung mga sinabi niya dahil narinig na naman ninyo ang mga ito sa TV kahapon at mababasa ninyo sa mga iba’t ibang pahayagan ngayon.

Pero babanggitin ko yung mga importanteng sinabi niya sa akin kung paano niya nilutas ang problema sa Davao City bilang alkalde.

Ang kanyang mga sinabi sa akin noon ay wala pa siyang balak na tumakbo bilang Pangulo.

Ang mga sumusunod ay pinagtagpi-tagpi ng inyong lingkod sa mga pakikipag-usap ko sa kanya sa hapag hapunan tuwing nagagawi ako sa Davao City.
Ibabalik ni Digong ang sentensiyang kamatayan kung siya’y maging Pangulo. Parang biro lang ito dahil wala naman siyang balak na tumakbo.

Ang death penalty ay para sa mga krimen na rape with homicide; robbery with homicide; kidnapping; drug trafficking at pushing; panggagahasa ng bata.

Kung siya’y masusunod, gagawin ni Digong ang execution sa publiko upang huwag tularan ng iba.

Ire-rehab niya ang mga drug addicts at ipapatay niya ang mga drug traffickers at pushers.

Dahil dito, ipagagawa ni Digong ang mga drug rehabilitation centers sa buong bansa, lalo na sa mga lugar na talamak na ang problema sa droga.

Matapos pagbigyan ng babala ang mga drug pushers at traffickers at mga kriminal na paulit-ulit sa kanilang mga gawain, wala silang awang pagpapatayin.

Ang mga pulis na kasangkot sa mga drug syndicates o yung mga kasangkot sa krimen ay hindi kaaawaan. Sila’y ituturing na mga mabababang klaseng pusakal.

Alam ni Digong na malaking bahagi ng droga na nahuhuli ng mga pulis ay ipinagbibili nila. Kung gayon, mapapatay ang mga pulis na ito sa “shootout.”

Ang mga kamag-anak ng mga kidnappers ay iku-custody ng mga maykapangyarihan hangga’t di nila binibitiwan ang kanilang mga bihag.

Kung pinatay nila ang biktima “alam nila ang mangyayari sa kanilang kamag-anak.”

Magsasagawa si Digong ng curfew para sa mga kabataan.

Ang mga magulang na patuloy na kinokonsenti ang masasamang gawain ng kanilang mga anak na menor de edad ay aarestuhin at ipakukulong.

Ang pag-inom ng alak ay ipinagbabawal ni Digong sa pagtuntong ng hatinggabi.

Ang pagmamaneho ng lasing ay may matinding kaparusahan.

Ang mga drug lords na nakakulong sa New Bilibid Prisons at iba’t ibang piitan sa bansa na patuloy sa pagpapatakbo ng kani-kanilang ilegal na gawain ay “isasalvage.”
Sa aking suhestiyon, na kanyang inayunan, ang mga prison guards na nagpapasok ng mga kemikal sa paggawa ng shabu ay mawawala na lang o matatagpuang patay na.
Maraming reports na ang shabu ay “niluluto” sa loob ng Bilibid.
Ang mga kriminal na pumapatay ng mga inosenteng mamamayan ay walang awang papatayin ng mga nakahuli sa kanila, ayon kay Digong.
Ang speed limit sa highway ng lungsod o bayan 60 kilometers per hour; at 40 kph naman sa loob mismo ng siyudad o bayan.
Aaksiyunan mismo ni Digong ang mga reklamo ng mamamayan na pinahihirapan ng mga tauhan ng gobiyerno sa pag-aplay ng lisensiya, permit o clearance.
Binoluntir ko ang aking column sa INQUIRER at Bandera at ang aking public service program sa radyo DWIZ na “Isumbong mo kay Tulfo” na maging tulay ng ordinaryong mamamayan at Malakanyang.
Pumayag si Digong sa aking suhestiyon “kung sakali.”
At dahil naging totoo ang “sakali” matutupad na ang aking pangarap na maging tulay ng Malakanyang at ng taumbayan.
Sa mga ordinaryong kriminal, mga kriminal na nagsusuot ng badge, at mga tao sa gobiyerno na nagpapahirap sa mamamayan, magtatapos na rin ang mga maliligayang araw ninyo!

Read more...