Toronto Raptors umusad sa Eastern Conference Finals

TORONTO — Umiskor si Kyle Lowry ng 35 puntos at si DeMar DeRozan ay gumawa ng 28 puntos para sa Toronto Raptors na nilampaso sa Game 7 ang Miami Heat, 116-89, para umabante kahapon sa Eastern Conference finals sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng kanilang prangkisa.

Si Bismack Biyombo ay nagdagdag ng 17 puntos at 16 rebounds para sa Raptors, na bubuksan ang Eastern Conference finals sa Cleveland laban kay LeBron James at Cavaliers bukas.

“It’s great to hear the home crowd,” sabi ni DeRozan. “This organization deserves it, this country deserves it, to see them get to the next step, somewhere they haven’t been. But we’re not done yet.”

Bagamat inaalat ang kanilang field goal shooting sa playoffs, nagpakita ng magandang porma sina Lowry at DeRozan sa Game 7. Tumira si Lowry ng 11 of 20 shots, kabilang ang 5 of 7 shooting mula sa 3-point range habang si DeRozan ay kumunekta sa 12 of 29 attempts. Nakalikom din si Lowry ng siyam na assists at pitong rebounds habang si DeRozan ay humablot ng walong rebounds.

“We never doubted Kyle and DeMar,” sabi ni Raptors coach Dwane Casey. “They’re our All Stars and they both played like it tonight. They both stepped up and carried us.”

Si DeMarre Carroll ay nagdagdag ng 14 puntos habang si Patrick Patterson ay nag-ambag ng 11 puntos para tulungan ang Raptors na maging ika-15 koponan sa kasaysayan ng NBA na manalo ng dalawang Game 7 sa isang postseason. Tinalo ng Toronto ang Indiana sa pitong laro sa first round.

Nakahanda namang harapin ng Raptors ang Cavaliers, na winalis ang Detroit Pistons sa first round at magmumula sa mahigit isang linggong pahinga matapos itala ang second-round sweep ng Atlanta Hawks.

Sina Dwyane Wade at Goran Dragic ay umiskor ng tig-16 puntos para sa Miami.

Nag-ambag sina Joe Johnson at Justise Winslow ng tig-13 puntos habang si Luol Deng ay nagdagdag ng 12 puntos para sa Heat, na nabigong maging kauna-unahang koponan na bumura ng 3-2 deficit sa magkasunod na serye.

Read more...