Isabelle De Leon handang tulungan si Jiro: Nandito lang kami para sa ‘yo!

isabelle de leon at jiro manio

APEKTADO rin pala ang dating child star na si Isabelle de Leon sa mga nangyayari ngayon sa buhay ni Jiro Manio na balitang nasa loob pa rin ng rehab bilang bahagi pa rin ng pagbabagong-buhay nito. Nakasama ni Isabelle si Jiro sa classic award-winning movie na “Magnifico” noong 2003 kung saan gumanap silang magkapatid at inamin ng dalaga na nalulungkot siya sa kinauwian ng buhay ni Jiro.

Sa presscon ng bagong serye ng GMA na Magkaibang Mundo kamakailan, natanong si Isabelle kung ano ang nararamdaman niya sa nangyari kay Jiro. “Malungkot. Malungkot talaga. Hindi mo talaga aakalain na pwedeng mangyari sa isang former child star ang ganu’n.”

Nalaman daw ng balik-Kapuso na aktres ang pagtungo at pagiging palaboy ni Jiro sa NAIA noon sa pamamagitan ng Instagram, ‘O, si Jiro daw natagpuan sa airport, sa NAIA!’ Nagulat ako, ‘Joke ba ‘yan?’ Tapos, sabi wala daw dun si Tito Andy, yung papa niya. So sabi ko, ‘Tara, puntahan natin!’

“Nu’ng mismong araw din na yun, sabi ko, ‘Dad, tara punta tayo!’ Pupunta na kami, kaya lang sinabi, dumating na daw yung mga pinsan. So sabi ko, ‘O sige, hayaan mo na sila kasi siyempre privacy nila ‘yan.’ “Pero kung wala siyang pamilya du’n, pupuntahan na namin. Pupunta talaga kami, by hook or by crook. Kasi kumbaga, kahit trabaho lang yun, yung sa ‘Magnifico’ namin e, halos nakasabay ko rin siyang lumaki, e,” kuwento ni Isabelle.

“Una siyempre, nagulat ako. Hindi ko akalain na iyon, ganun yung sitwasyon niya. Pangalawa, nagdurugo ang puso ko for him, kasi napakahusay niyang aktor kaya nagdurugo ang puso ko rin for him. “At tsaka hindi mo rin naman kasi alam kung ano yung journey nu’ng tao, kung bakit siya nagkaganu’n,” kuwento pa ni Isabelle.

Ayon kay Isabelle, mula nang matapos nila ang pelikula nilang “Magnifico”, ay nawalan na raw sila komunikasyon kaya gulat na gulat daw siya sa mga pinagdaanan ng dati ring child star, lalo na nang malaman niyang nalulong sa droga ang dating katrabaho. Siyempre, gusto ring makita ni Isabelle si Jiro, “Oo naman! Pumunta kami sa bahay nila mismo, nila Jiro. Wala siya du’n, na kila Ms. Ai Ai (delas Alas) na nga daw.”

Narito naman ang mensahe ng dalaga sa anak-anakan ngayon ni Ai Ai na siya ngang sumasagot sa mga pangangailangan ng dating aktor, “Kuya Jiro, nandito kami para sa ‘yo. Yung battle mo, hindi madali pero kung kasama mo naman kami. “Mas mapagtatagumpayan mo naman ‘yan, kasi nandito naman kami kasama mo,” sey pa ni Isabelle.

Read more...