Editorial: Si Guanzon at ang Smartmatic

MATINDI ang himutok ni Elections Commissioner Rowena Guanzon sa Smartmatic, ang technology provider na kinomisyon ng Comelec para sa nagdaaang presidential elections.

Galit si Guanzon dahil sa pakikialam na ginawa ng Smartmatic sa script ng transparency server na ngayon ay nagdudulot ng kontrobersiya sa bilangan ng boto, partikular na sa mga naglalaban-laban sa pa-ngalawang pangulo.

Binago ng isang tauhan ng Smartmatic ang script nang makita nito ang “?” sa mga pa-ngalan na may “ñ”; at para raw maging maayos ang tingin ng mga bumabasa rito ay binago niya ito.

Ipinagpipilitan ng Smartma-tic, at maging ng ilang opisyal ng Comelec, na wala raw itong epekto sa bilang ng mga boto ng mga kandidato, gaya nang i-pinalalabas ngayon ng ilang kampo. Hindi raw dapat na gawin itong dahilan para pagdudahan ang resulta ng eleksiyon.

Pero malinaw ang sabi ni Guanzon na hindi dapat pinakialaman ng Smartmatic ang script ng walang basbas ng Comelec en banc, kung kayat dapat itong imbestigahan at panagutin ito sa kung anong kasalanang ginawa nito.

Hindi katanggap-tanggap ang paliwanag ng Smartmatic at maging ng ilang opisyal ng Comelec na maliit na bagay lang naman daw ang ginawa nito. Isang “cosmetic change” lang o panlabas na hitsura lang naman daw ang binago at hindi ang sistema na makakaapekto sa kabuuang resulta ng bilangan.

Pero dapat maintindihan ng lahat, lalo na ang mga tagapagtanggol ng dayuhang kompanya ng Smartmatic, na walang sinomang indibidwal ang may karapatang makialam sa sistema ng automated counting, lalo na kung ito ay walang pahintulot ng mga nakatataas sa Comelec.

Hindi lamang insulto kundi direktang panghihimasok ang ginawa ng Smartmatic nang pakialaman nito ang script ng transparency server, lalo na kung isang dayuhan ang gumawa nito.

Hindi rin ito usapin sa kung may epekto o wala ang ginawang pakikiala sa aktuwal na bilangan para sa mga kandidato sa pagkabise-presidente, kundi usapin ito ng paglabag sa pagiging sagrado ng boto ng bawat Pilipino.
Pinagkakitaan na nga tayo ng kung ilang daang milyong piso ng Smartmatic, pero ganito pa ang ginawang pagsasalaula sa dapat ay sagradong halalan.

Tama si Guanzon na dapat lang imbestigahan at papanagutin kung sino man ang may pananagutan dito.

Read more...