NAHAWI ang pagtatapat ng walong matitinding koponan sa matira-matibay na quarterfinal round sa pagtatapos ng pool play ng 2016 Philippine Superliga (PSL) Challenge Cup beach volleyball tournament Sabado ng gabi sa Sands By the Bay sa likod ng Mall of Asia.
Sasagupain ng Standard Insurance-Navy A na nanguna sa Pool A ang FEU-Petron na pumangalawa sa Pool D2 habang magkakatapat ang magkapatid na koponan na RC Cola Army B na pumangalawa sa Pool A at ang RC Cola Army A na nanguna naman sa Pool D.
Maghaharap ang F2 Logistics na nanguna sa Pool B kontra Petron XCS na pumangalawa sa Pool C habang maglalaban ang Petron Sprint 4T na pumangalawa sa Pool B kontra sa Foton Toplander na dinomina ang tatlong laro nito sa Pool C.
Binigo ng third seed na pares nina Cherry Rondina at Patty Orendain ng Foton ang Petron XCS nina Sheila Pineda at Aiza Pontillas, 21-9, 21-8, upang walisin ang Pool C. Nalasap naman ng Petron XCS ang unang pagkatalo bagaman umusad sa susunod na laban sa bitbit na 2-1 panalo-talong kartada.
Sasagupain ng Foton ang tambalan ng Petron Sprint 4T nina Maica Morada at Frances Molina sa quarterfinals sa darating na Linggo.
Malinis din ang kartada nina Norie Jane Diaz at Pau Soriano ng Standard Insurance Navy A na binigo ang UE-Manila nina Angelica Dacaymat at Jasmine Alcayde, 21-8, 21-11, pati ang pares nina Aby Maraño at Danika Gendrauli ng F2 Logistics na pinatalsik ang Standard Insurance Navy B nina Florence Madulid at Pauline Genido, 21-13, 21-7.
Sasagupain ng Navy A nina Diaz at Soriano ang pareha nina Bernadeth Pons at Kyla Atienza ng FEU-Petron habang sasagupain ng F2 Logistics nina Gendrauli at Maraño ang tambalan nina Pontillas at Pineda ng Petron XCS.
Samantala, agad nagtala ng dalawang sunod na panalo ang Philippine Navy B nina Pajiji Alsali at Milover Parcon para mamuno sa pagsisimula ng men’s division.
Tinalo nina Alsali at Parcon sa 21-17, 21-13 iskor ang Wayuk nina Philip Bagalay at John Cuzon bago isinunod sina Arjay Salcedo at Bobby Gatdula ng IEM, 21-15, 21-15.
May dalawang panalo rin ang FEU A na tinalo ang Wayuk, 21-18, 21-16, at UE-Manila, 21-17, 21-14, 15-12. Tinalo rdin ng IEM ang UE-Manila, 21-13, 22-20, bago nabigo sa Philippine Navy B, 15-21, 15-21.