BAHAGYANG pinagpawisan ang pares nina Cherry Rondina at Patty Orendain ng Foton Toplander pati ang Standard Insurance Navy A nina Norie Jean Diaz at Pau Soriano sa pagbigo sa kani-kanilang kalaban upang ipormalisa ang pagtuntong sa quarterfinals Sabado ng hapon sa ginaganap na 2016 Philippine Superliga (PSL) Challenge Cup Beach Volleyball Tournament sa Sands SM By the Bay.
Dinungisan ng seeded No. 3 na pares nina Rondina at Orendain ang tambalan ng Petron XCS nina Aiza Maizo-Pontillas sa loob ng dalawang set, 21-9, 21-8, upang umusad sa susunod na labanan bitbit ang malinis na karta na may tatlong panalo sa Group C.
Tinuruan naman ng leksiyon nina Diaz at Soriano ang pareha nina Angelica Dacaymat at Jasmine Alcayde ng UE-Manila sa loob din ng dalawang set, 21-8, 21-11, upang manatiling walang mantsa sa dalawang panalo para mamuno sa Pool A.
Ipinormalisa rin ng seeded No. 2 na pares nina Danica Gendrauli at Aby Maraño ang kanilang pagtuntong sa Top 8 matapos gibain ang pareha nina Florence Madulid at Pauline Genido ng Standard Insurance Navy B, 21-13, 21-7, para pamunuan ang Group B.
Samantala sa men’s side ay nagwagi ang FEU kontra Wayuk, 21-18, 21-16, habang dinaig ng IEM ang UE-Manila, 21-19, 22-20. Nanalo rin ang Cignal Team Awesome kontra FEU-B, 21-17, 14-21, 15-12, habang wagi ang Philippine Navy B kontra Wayuk, 21-17, 21-13.
Nagwagi ang Philippine Navy A kontra Cignal Team Awesome sa tatlong set, 23-21, 15-21, 15-10, habang angat ang TVM kontra FEU-B sa dalawang set, 21-16, 21-15. Wagi rin ang Philippine Navy B kontra IEM, 21-15, 21-15.
Habang isinusulat ito ay magsasagupa pa ang tambalan ng kambal na sina Daniel at Tim Young ng SM By the Bay kontra sa magkapatid na sina Rey at Reylan Taneo ng Cignal Team Awesome at ang pinakahuling sagupaan sa pagitan ng Philippine Navy A at FEU B