‘Hindi kriminal si Alma Moreno kaya patahimikin n’yo na siya!’

alma moreno

SANA nama’y mahimasmasan na ang mga kababayan nating sobrang makapang-api kay Alma Moreno. Natalo na nga ‘yung tao sa pinasok niyang laban ay kung anu-ano pang pangungutya ang ginagawa sa kanya ngayon ng mga taong walang magawa sa buhay.

Lumutang ang linyang “I conceive!” na diumano’y nanggaling mismo sa Twitter account ng actress-politician, pero maraming nagpapatotoo na isang poser lang ang nagpakalat nu’n, pinagpistahan nang todo ang isyu.

Mula nu’n hanggang ngayon ay ang mga bloopers pa rin ni Ness ang paboritong gawing panghimagas ng marami nating kababayan, hindi makalimutan ng mga ito ang mga kuwentong-Alma Moreno na kung naging tao lang, siguro’y dalaga na ngayon kundi man may mga anak na sa katagalan.

Pero hindi krimen ang kakapusan ng pagsasalita ng Ingles, hindi dapat kinokondena ang mga Pilipinong mahina sa lengguwahe ni Uncle Sam, ang krimen ay ang paglabag sa batas na hindi ginagawa ni Alma Moreno.

Tapos na ang eleksiyon, patahimikin na sana ng mga walang magawa si Alma, sa halip na kunsumihin ng mga ito ang aktres ay pabayaan na lang natin siyang mamuhay nang tahimik sa bansang pinag-ukulan niya ng sinserong planong mapagserbisyuhan sana bilang senador pero hindi siya nagwagi.

Hindi naman ang husay sa pagsasalita ng Ingles ang barometro ng pagiging mabuting tao. Walang-wala ‘yun sa basehan, hindi kriminal si Alma Moreno, kaya tantanan na sana siya ng mga kababayan nating wagas kung makapanghusga.

Read more...