NAGPAPAKALIGAYA ngayon sa Balesin Island ang mag-asawang Heart Evangelista at Chiz Escudero para sa kanilang second honeymoon. Pagkatapos nga ng nakakapagod at nakaka-stress na eleksiyon, sinasamantala na ngayon nina Heart at Chiz ang panahon bago sila bumalik sa kani-kanilang trabaho.
Matapos matalo sa vice-presidential race, babalik si Chiz sa Senado para sa huli niyang termino, habang si Heart naman ay muling sasabak sa taping ng bago niyang teleserye sa GMA 7, ang Juan Happy Love Story na magsisimula na sa darating na Lunes. Ayon pa sa mag-asawa, balak na rin nilang magkaanak next year pero kung bibigyan sila agad ng baby, ituturing nila itong napakalaking blessing mula sa langit.
Samantala, sa Lunes na nga magsisimula ang bagong sexy-comedy serye ng GMA na Juan Happy Love Story nina Heart at Dennis Trillo sa direksiyon ni LA Madridejos. Napanood na namin ang pilot episode nito at sigurado kaming mahu-hook din kayo sa kuwento. Ito ang love story nina Juan (Dennis) at Happy (Heart). Magkakatuluyan sila in the future pero tila hindi happy ending ang kakahantungan ng kanilang kuwento.
1986, New Year – sabay na pinanganak sina Juan at Happy sa iisang ospital. Si Juan ay ipinanganak ni Socorro (Mickey Ferriols) . Isa siyang mabait na ina na magpapaalala kay Juan na dapat mahalin ang mga babae. Kasama ni Socorro na magiging guardian ni Juan ang istrikta niyang Lola na si Mameng (Gloria Romero) at ang pilyo niyang Lolo na si Caloy (Nick Lizaso). Mukhang mas malakas ang dugo ni Caloy, dahil lalaki si Juan na isang babaero.
Si Happy naman ay lalaki sa isang malaki at simpleng pamilya. Si Isay (Lotlot de Leon) ay bungangera pero praktikal na nanay. Si Boyong (Gardo Versoza) naman ay ang mapagbigay niyang asawa. Panganay nilang anak si Joy (Ericka Padilla) at susundan pa nila si Happy ng isang lalaki, si Lucky (Vincent Magbanua). Pangarap ni Happy na mahanap ang kanyang “the one” at makabuo ng isang one happy family.
Pagdaan ng maraming taon ay magtatagpong muli ang landas nina Juan at Happy sa isang simbahan. ‘Yun lang hindi bilang bride and groom kundi mga abay sa kasal ng kanilang mga kaibigan. Mukhang mapupurnada pa nga yata ang kasal nina Loraaine at Kyle. Paano ba naman kasi late ng dumating si Juan.
Galit na galit si Lorraine ng malamang nag-happy-happy pa sina Juan kagabi kasama ng kanyang asawa. Worse, na kay Juan ang wedding ring ng dalawa. Matapos ang masayang night out ng barkada, ay hindi na malaman ni Juan kung nasaan ang mga singsing!
Despite the mishaps na dulot ni Juan ay matutuloy pa rin ang kasal. Nang ibabato na ng bride ang bouquet of flowers ay dali-daling sasalo si Happy. Mababangga nga lang niya si Juan. If not for him subsob ang mukha ni Happy sa lupa! Ito na ang sign na hinihingi ni Happy. Si Juan na nga kaya ang knight and shining armor na dinadasal ni Happy?