NATATAWANG ikinuwento ni Valeen Montenegro na natatakot siyang iuwi ang kanyang karakter na si Piper sa kanilang bahay dahil ang role niyang ito sa Poor Señorita ay medyo-slow.
“Nakakatakot nga kasi baka minsan hindi ko matanggal ‘yung character ko pagkatapos ng taping, it’s very dangerous,” natatawang chika ni Valeen na sikat na sikat na sa nakakaaliw na karakter niya sa Poor Señorita na pinagbibidahan ni Regine Velasquez.
Dagdag pa ni Valeen, masayang-masaya siya sa mga social media messages na natatanggap niya dahil puro positibo ang mga komento ng netizens, natatawa raw sila sa pagganap niya bilang Piper.
Aniya, naging epektibo ang kanyang pagganap dahil lahat ng mga kasama niya sa serye ay magagaling tumayming lalo na kapag may kailangang bitiwang punchlines. Natutuwa rin siya dahil laging nakaalalay sa kanya si Regine at ang lagi niyang kaeksena sa serye na si Snooky Serna.
Napapanood pa rin ang Poor Señorita sa GMA Telebabad pagkatapos ng 24 Oras.