3 Pinay boxers sasabak sa Women’s World Boxing Championships

NAGTUNGO na Biyernes ng gabi ang tatlong babaeng boksingero ng bansa na sina Nesthy Petecio, Josie Gabuco at Iris Magno para sumabak sa nalalabing silya sa 2016 Rio de Janeiro Olympics sa gaganapin na Women’s World Boxing Championships sa Astana, Kazakhstan simula Mayo 15 hanggang 26.

Ipinaliwanag naman ni Alliance of Boxing Association of the Philippines (ABAP) executive director Ed Picson na tanging ang 24-anyos mula Santa Cruz, Davao del Sur na si Petecio lamang ang mapapasabak sa qualifying match para sa natitirang silya sa Agosto 5 hanggang 21 na Rio de Janeiro Olympics.

“We only have one official entry dahil tatlong weight na dalawa ay mas mabibigat ang paglalabanan sa women’s boxing sa Olympics,” sabi ni Picson. “But mapapasabak pa rin sina Josie (Gabuco) at Iris (Magno) sa tournament although walang nakatayang slot sa Olympics kundi para madetermina ang kanilang world ranking.”

Nauna na tinalo ni Petecio, na kasalukuyang number 2 sa women’s 57 kilogram category ng Amateur International Boxing Association (AIBA), sa isinagawang box-off ng asosasyon sa training camp nito sa Baguio sina Gabuco at Magno para siyang maging representante sa qualifying event ng kada apat na taong Olimpiada.

Huling nagwagi ng gintong medalya sa bantamweight division si Petecio noong 2015 President’s Cup sa Palembang, Indonesia. Nakapagwagi naman ito ng pilak noong 2014 World Championships sa Jeju City, South Korea bilang featherweight pati na rin noong 2011 Jakarta Southeast Asian Games sa bantamweight at 2013 Napyidaw SEA Games sa featherweight.

Umaasa naman si Picson na madadagdag si Petecio sa unang dalawang boksingero ng asosasyon na nagawang makapagkuwalipika na sina 2014 Incheon Asian Games silver medalist Charly Suarez sa men’s lightweight (60kg) at ang light flyweight na si Rogen Ladon na mula sa Bago City, Negros Occidental.

Read more...