MALAPIT nang umupo si Lilia “Baby” Pineda bilang gobernador ng Pampanga.
Si Baby, asawa ng gambling lord na si Bong Pineda, ay dating mayor ng Lubao, Pampanga.
Si Pineda, na tinatawag ng karamihan ng mga Kapampangan na “Nanay Baby,” ay pilantropo. Tumutulong siya sa mga maysakit at mahihirap di lang sa Pampanga kundi sa ibang lugar. Sa huling ulat ng recount ng mga boto sa Pampanga gubernatorial race, malaki na ang lamang ni Baby kay Fr. Ed Panlilio, na siyang umuupong gobernador.
Kahit na anong protesta ang ginawa ni Panlilio, tuloy ang recount ng mga boto ng Commission on Elections (Comelec).
Sana’y madaliin ng Comelec ang pagtatapos ng bilangan upang makaupo na si Baby.
***
Ang masakit nito, maninilbihan lang si Baby Pineda ng ilang buwan bago mag-election muli sa May, 2010.
At kung tatakbo siyang muli pagka-governor, hanggang dalawang beses lang siyang makakatakbo.
Considered kasi na siya ay nakapagsilbi ng full three years ngayon kahit na si Panlilio ang umupo bilang gobernador.
Ganyan talaga ang batas.
***
Hanggang ngayon ay walang balita sa mga rapes sa Jolo na inekspos ng column na ito noong mga nakaraang linggo.
Dahil sa iniulat ng Target ni Tulfo, nagtatag ang Philippine National Police(PNP) at National Bureau of Investigation(NBI) ng kanya-kanyang task force upang imbestigahan ang mga naiulat na panggagahasa.
Malupit ang mga rapists. Isa raw sa mga biktima ay nilaslas ang dibdib
Bakit mahina yata ang mga imbestigador na ipinadala ng PNP at NBI sa Jolo?
***
Sa mga ginawang survey sa mga “presidentiables,” malaking-malaki ang lamang ng tandem nina Noynoy Aquino at Mar Roxas sa kanilang mga posibleng makakalaban.
Pero di raw natitinag ang kampo ni Manny Villar, na malayong pumapangalawa kay Noynoy sa survey.
Ang sabi ng kampo ni Villar, hindi pa binubusisi sina Noynoy at Mar kung bakit naging matandang binata sila, although si Mar ay ikakasal kay Korina Sanchez ngayon.
Dapat daw ay sagutin nina Noynoy at Mar kung bakit di sila nagsipag-asawa noong bata pa sila.
Ang pagiging binata nila ng matagal na panahon ay nagpapatunay daw na sila’y mga iresponsable.
Ayaw daw nina Noynoy at Mar na magkaroon ng responsibilidad sa pag-aasawa.
Kung iniwasan daw nila ang responsibilidad ng pagiging esposo, ano pa kaya sa paghawak ng mas malaking responsibilidad na pagpapalakad ng national government?
Masasagot kaya nina Mar at Noynoy ang batikos na ito sa kanila?
***
Malayo na si dating Pangulong Erap sa mga surveys.
Dapat siguro ay mag-isip isip na siya sa pagtakbo sa pagka-Pangulo at alagaan na lang niya ang kanyang mga apo at siyempre, mga anak sa ibang babae.
Sawang-sawa na ang tao sa kanya at ito ay reflected in the surveys. He was a poor third to Manny Villar, who placed second, in the latest surveys.
Yung mga taong dumalo sa kanyang miting sa Tondo kung saan niya ipinahayag ang kanyang kandidatura, marami roon ay hakot.
Hindi na mabango sa taumbayan si Erap.
Bistado na ng masa ang kanyang mga ginawang katarantaduhan sa Malakanyang noong siya’y nakaupo pa.
Yung kanyang sinasabi na siya’y para sa mahihirap ay kasinungalingan.
Walang ginawa si Erap kundi ang maglasing at mambabae noong siya’y Pangulo ng Pilipinas.
Namulat na sa katotohanan ang masang Pilipino kay Erap.
Mon Tulfo, Target ni Tulfo
BANDERA, 102709