Toronto Raptors wagi sa Miami Heat; Golden State Warriors umabante sa West Finals

TORONTO — Napantayan ni DeMar DeRozan ang kanyang playoff high  na  34 puntos at tinalo ng kanyang Toronto Raptors ang  Miami Heat, 99-91, kahapon para manguna ng 3-2 sa kanilang NBA Eastern Conference best-of-seven semifinal series.

Nagdagdag ng 25 puntos si Kyle Lowry habang ang sentrong si Bismack Biyombo ay may 10 puntos para sa Raptors.

Maari nang tapusin ng Raptors ang serye sa Game 6 bukas para makaabot sa conference finals sa kauna-unahang pagkakataon.

Ito ang ika-13 laro ni  DeRozan na may at-least 20 puntos at kanyang ikaanim sa kasalukuyang Playoffs.

Ang Miami ay pinangunahan ni Dwyane Wade na may 20 puntos. Nag-ambag naman ng 13 puntos sina Goran Dragic at Josh Richardson.

Nalamangan ng 20 puntos ng Toronto ang Miami sa first half at may 13-point lead ito papasok sa fourth quarter bago nag-rally ang Heat sa pamumuno ni Wade.

Nakalapit sa 87-88 ang Miami sa free throws ni Wade, may 1:54 na lang ang nalalabi sa laro.

Sinagot naman ito ng dalawang free throws ni  DeRozan at matapos na magkamit ng turnover ang Heat ay tumira ng tres si Lowry para bigyan ng 93-87 kalamangan ang  Toronto, may 52 segundo na lang ang natitira sa laro.

Tinapos ni DeRozan ang laro na tumira ng 4-of-4 mula sa free throw line sa huling 21 sandali ng laban.

Nagtamo naman ng magkahiwalay na left wrist injury sina Luol Deng ng Miami at DeMarre Carroll ng Toronto.

Warriors 125, Trail Blazers 121
Sa Oakland, binuhat ni two-time Most Valuable Player Stephen Curry  ang Golden State sa 125-121 panalo kontra Portland at sa NBA Western Conference Finals sa ikalawang sunod na taon.
Nanaig ang Warriors sa serye, 4-1. Makakatapat nila ang mananalo sa pagitan ng San Antonio Spurs at Oklahoma City Thunder.

Si Klay Thompson ay umiskor ng 33 puntos at si Curry ay may 29 puntos at 11 assists para sa Warriors.
Bago ang laro ay tinanggap ni Curry ang kanyang ikalawang MVP trophy. Siya ang kauna-unahang MVP winner na nakatanggap ng unanimous votes.

Si Damian Lillard ay umiskor ng 28 puntos at si CJ McCollum ay may  27 puntos para sa Blazers.

Read more...